560 total views
Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga nahalal na opisyal ng pamahalaan na palawigin ang pagpapatupad ng mga polisiyang tutulong sa pag-unlad ng mga manggagawa sa bansa.
Ito ang hamon ni Father Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs matapos aprubahan ang dagdag na 33-pesos sa minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region.
Aminado si Father Secillano na hindi sapat ang umento sa sahod ay mas mabuti paring nagkaroon ng wage hike.
“Maaaring hindi pa sapat ang dagdag na ito para punuan ang pang-araw-araw na pangagailangan ng mga ordinaryong manggagawa, ngunit mas makakabuti na rin ito kumpara sa wala. Sa tindi ng hamon at hirap ngayon, inaasahan natin ang pamahalaan na gagawa ng mga hakbang upang makatulong sa mga ordinaryong mamamayan,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Iginiit ng Pari na napanahon na ang tunay na pagtugon at pakikinig ng pamahalaan sa kahirapang na dinaranas ng mga manggagawa maging ang kanilang pamilya.
“Dito masusubukan kung ang sinasabi nilang gobyernong may malasakit ay tunay ngang tumutugon sa mga hinaing ng taongbayan,” ayon pa sa Pari.
Bukod sa NCR ay naaprubahan rin ng Regional Tripartite and Wage Board (RTWPB) ng 55 hanggang 110-pesos na umento sa sahod ng mga manggagawa sa Visayas.