892 total views
Hinimok ni Capiz Archbishop Victor Bendico ang bawat isa na higit pang pagtuunan ang pakikinig at pagtugon sa panawagan ng inang kalikasan.
Ayon kay Archbishop Bendico, walang katapusan ang panawagan para sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan sapagkat ito’y hamon sa lahat na maging mabubuting katiwala ng sangnilikha.
Ang pahayag ng arsobispo ay kaugnay sa World Environment Day na ginugunita taon-taon tuwing ikalima ng Hunyo, at pagdiriwang din sa Philippine Environment Month ngayong Hunyo.
“We are not only the keepers of our brothers and sisters but also of Mother Earth. Mother Earth invites us to listen to her voices, the so called “silenced voices” of Mother since as Pope Francis reminds us, she is ‘burdened and laid waste and is among the most abandoned and maltreated of our poor’ (Laudato Si, no. 2).” pahayag ni Archbishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Archbishop Bendico na mahalaga ang mga ganitong uri ng pagdiriwang dahil pagkakataon na rin ito para pagsisihan ang mga nagawang pinsala sa kalikasan, at muling panibaguhin ang pakikipag-ugnayan sa kalikasan at sa kapwang nangangalaga rito.
Paliwanag ng arsobispo na ito ang nais ipabatid ng Kanyang Kabanalan Francisco sa pamamagitan ng ensiklikal na Laudato Si’ para makabuo ng ‘environmental spirituality’ na mahalaga upang wastong magampanan ng bawat isa ang pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
“These are means and ways for us to develop an environmental spirituality which the Holy Father emphasizes should have a global character and a sense of solidarity originating from the Holy Trinity.” ayon kay Arcbishop Bendico.
Kaugnay nito, inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ngayong World Environment Day ang pagdiriwang sa Philippine Environment Month 2023 na may temang ‘No to Waste: Advancing Circular Economy to #BeatPlasticPollution’.
Batay sa ulat ng United Nations, nasa higit 400-milyong tonelada ng plastic ang nalilikha sa buong mundo taun-taon, kung saan 33-porsyento nito ang single-use plastics.
Una nang iginiit ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Office on Stewardship chairman, Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang kahalagahan ng “sapat-lifestyle” na makakatulong sa pangangalaga sa kalikasan lalo na sa pagtugon sa plastic pollution.