508 total views
Nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tugunan ang ibat-ibang suliraning kinakaharap ng sektor ng edukasyon.
Ayon kay Bayombong Bishop Elmer Mangalinao, Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, ito ay ang kakulangan ng silid-aralan, mababang kalidad ng edukasyon at pagkakaroon ng karagdagang benepisyo ng mga guro.
Nabatid sa datos ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na umabot sa higit 400-libong mga guro at manggagawa sa mga pribadong paaralan ang naapektuhan ng mahigpit na lockdowns noong 2020.
“Mga hamon na dapat bigyan ng pansin, 1.Kalidad ng edukasyon sa ating mga pampubliko at pangpribado na mga paaralan, 2.Kalidad ng mga guro sa larangan ng kaalaman, kahusayan at dedikasyon sa pagtuturo, 3.Kakulangan ng mga silid paaralan para sa mga mag-aaral, 4.Suporta ng pamahalaan sa mga guro na nasa mga pribadong paaralan na napakalaki ng kontibusyon o tulong sa pagkalinga,paghubog sa mga estudyante,” mensaheng ipinadala ng Obispo sa Radio Veritas.
Kasabay nito ay nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers-Philippines (ACT) sa Department of Education (DepEd) na tiyakin na maayos ang mga pasilidad sa mga paaralan sa nalalapit na School Year 2022-2023.
Ayon kay Raymond Basilio – Alliance of Concerned Teacher Secretary General, bukod sa mga silid-paaralan, kailangang maayos ang mga palikuran na may hand-washing facilities upang makaiwas sa banta ng virus.
Apela rin ni Basilio na tiyakin ang pagkakaroon ng mga health care workers na mangangalaga sa kalusugan ng estudyante, guro at kawani ng mga paaralan.
Unang inihayag Catholic Educational Association of The Philippines ang kahandaan ng mahigit 1,600 mga kasaping paaralan at institusyon sa panunumbalik ng face-to-face classes.