822 total views
Mga Kapanalig, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (o SWS), 11.3% ng mga sumagot o mahigit 2.9 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom o lumiban sa pagkain nang isang beses sa nakalipas na tatlong buwan bago ang survey.
Ang 11.3% ay hindi nalalayo sa 11.6% na resulta ng parehas na survey ng SWS noong Hunyo ngayong taon. Mas mababa ito sa 12.2% noong Abril 2022 at 11.8% noong Disyembre 2021. Ngunit mas mataas ito sa 10% noong Setyembre 2021 at sa annual average noong 2019 na nasa 9.3%. Ibig sabihin, mas dumami ang mga pamilyang nagugutom sa mga unang buwan ng pamumuno ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. Ang bilang na ito ay bahagyang mas mababa kaysa sa naitala sa mga buwan bago ang kanyang panunungkulan, ngunit mas mataas pa rin sa bilang noong bago ang pandemya. Ito ay kahit pa ilang buwan nang bukás ang ekonomiya at ang mga paaralan.
Sa 11.3% na hunger rate, mas nakararami ang mga nakaranas ng “moderate hunger” o hindi nakakain nang isang beses o minsang nagutom sa loob ng tatlong buwan. Mas kaunti ang dumanas ng “severe hunger” o madalas o laging nakaranas ng gutom. Karamihan ng mga pamilyang nagsabing lumiban sila sa pagkain ay mula sa Metro Manila, ang pinakamayamang rehiyon sa bansa. Maituturing itong indikasyon ng matinding hindi pagkakapantay-pantay o inequality sa ating bayan.
Lubhang nakaaalarma ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong nagugutom. Nanawagan si Albay Second District Representative Joey Salceda kay PBBM na bumuo ng isang “food security cluster” sa kanyang gabinete upang tugunan ang ating suliranin sa kagutuman. Dagdag pa niya, mahalaga ang “holistic, whole-of-government” na pagkilos upang maaksyunan ang malalalim na ugat ng kagutuman sa bansa. Iminungkahi rin niyang magtalaga ang pangulo ng “senior undersecretary” sa Department of Agriculture na hanggang ngayon ay si PBBM ang tumatayong kalihim. Kailangan din daw ang pakikipagtulungan ng kagawaran sa Department of Science and Technology at Department of National Defense upang epektibong maprotektahan ang ating mga pagkain mula sa mga kalamidad na dulot ng matitinding bagyo at tagtuyot. Mahalaga rin ang pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation para naman sa pagbibiyahe ng ating mga pagkain at sa Bureau of Customs para naman sa mga inaangkat nating pagkain. Maraming kailangan at maaaring gawin ang pamahalaan upang maibsan ang kumakalam na sikmura ng maraming Pilipino.
Ang pagkakaroon ng sapat, abot-kaya, at masustansyang pagkain ay isang pangunahing karapatang pantao, at mahalagang maitaguyod ito upang makamit natin ang buhay na may dignidad. Para sa ating Simbahan, nakabatay ang karapatang ito sa pagkilalang ang bawat isa sa atin ay nilikhang kawangis ng Diyos. Kaya naman, tungkulin ng bawat Kristiyanong kumilos upang protektahan ang karapatang pantao—kasama na ang karapatan sa pagkain—ng bawat isa. Bahagi ito ng ating responsibilidad sa pagsusulong sa kabutihang panlahat o common good.
Kaugnay nito, malaki ang papel ng pamahalaan sa pagsigurong nakakamit ng bawat mamamayan ang kanyang mga karapatan, lalo na ang mga batayang karapatan katulad ng pagkakaroon ng pagkain. Ang pag-unlad ng tao ay pundasyon at pangunahing dahilan ng pulitika kaya ang pagkilala, paggalang, at pagtataguyod sa mga karapatang pantao ang unang dapat tinatrabaho ng mga nasa pamahalaan.
Mga Kapanalig, sinabi ni Hesus sa Mateo 25:35 at 40, “Sapagkat ako’y nagutom at ako’y inyong pinakain… Tinitiyak ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.” Nawa’y makita natin sa mga kababayan nating nagugutom ang mukha ni Hesus. Sama-sama tayong kumilos at manawagan sa pamahalaang tugunan ang ating suliranin sa kagutuman.