680 total views
Hinimok ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang mga mananampalataya na tularan ang payak at banal na buhay ni Santo Padre Pio.
Ito ang pagninilay ni Bishop Evangelista kaugnay sa pagtanggap at pagluluklok sa 1st class relic ni Santo Padre Pio sa Two Hearts of Jesus and Mary Chapel sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute, Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa Obispo, nawa’y maging inspirasyon sa mga mananampalataya ang kabanalan ng buhay ni Padre Pio lalo na sa mga mayroong pinagdadaan na pinanghihinaan ng loob at nawawalan ng pag-asa.
“Palaging sinasabi ni Padre Pio ang pray, hope, and do not worry… Wala siyang pinagmalaki para sa kanyang sarili. Sa halip ang kanyang tanging ipinakilala at ipinagmalaki niya sa mga tao ay ang Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Evangelista.
Sinabi ni Bishop Evangelista na paraan din ng Diyos na bigyan ng mga pagsubok ang mga tao upang mas mapalapit pa sa Kaniya at tumatag ang pananampalataya.
Iginiit ng Obispo na maaari ring maging mabiyaya ang mga suliranin sa buhay kapag pinagnilayang mabuti ang mga pinagdaanang hirap at pasakit ni Kristo na nangangahulugan ng Kaniyang pagmamahal sa sanlibutan.
“I-ugnay kay Hesus ang lahat ng nararanasan sa buhay… Magtiwala palagi sa Diyos. Isuko ang sarili sa Diyos. At hindi tayo pababayaan ng Diyos,” ayon sa Obispo.
Samantala, ayon naman kay De La Salle University Medical Center-Pastoral Care Services Christian Formation Assistant Bro. Ace Sango, ang relikya ni Santo Padre Pio ay nagsisilbing daluyan ng pagpapala at pagpapagaling ng Diyos.
Paliwanag ni Sango na ipinapahiwatig ng relikya ang pag-asa para sa mga nangangailangan ng espiritwal na gabay at kagalingan sa karamdaman.
“Mahalaga po para sa amin na ang presensya ni Padre Pio sa pamamagitan ng relikya ay nagpapaalaala sa amin na ang mga santo na nananalangin para sa amin ay totoong tao na may katawan, nahahawakan, at nabibigyang parangal namin ang kanyang presenya,” ayon kay Sango.
Ang iniluklok na 1st class relic ni Santo Padre Pio ay mula sa kanyang stigmata na ipinagkaloob ng Order of Friars Minor Capuchins sa DLSUMC-PCS.
Si Padre Pio o San Pio ng Pietrelcina ay isang franciscan capuchin na itinalagang banal noong 2002 ng noo’y Santo Papa at ngayo’y si Saint Pope John Paul II.
Kilala si Padre Pio bilang patron ng civil defense workers, at mga may malalang karamdaman, nagdurusa, at pagpapagaling.
Ginugunita naman ang kanyang kapistahan tuwing ika-23 ng Setyembre.