12,420 total views
Patuloy na hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na maging instrumento upang maakay ang kapwa tungo kay Hesus.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ni Apostol San Bartolome sinabi ng cardinal na dapat tularan ng mga kristiyano ang gawain ng mga misyonero na himukin at ipakilala sa mamamayan si Hesus tulad ng paghahanap noon ni Natanael o Apostol Bartolome.
Sa pagninilay ng arsobispo sa misang pinangunahan sa San Bartolome de Novaliches Parish inaanyayahan nito ang mananampalatayang hanapin si Hesus at manahan sa kanyang pag-ibig.
“Nawa’y magsikap tayo araw-araw na naising matagpuan si Hesus, upang maranasan ang kanyang pagmamahal at biyaya at upang sundin at mahalin siya, at kapag nakita na natin si Hesus, hikayatin natin ang marami pang iba na sumunod din sa kanya,” ani Cardinal Advincula.
Batid ni Cardinal Advincula na marami ang katulad ni San Bartolome na nagnanais makita at makilala si Hesus kaya’t nararapat na ang bawat binyagan ay kilala si Hesus upang mahimok ang kapwa na sundin ang landas na kanyang tinatahak.
Umaasa si Cardinal Advincula na magkaisa ang mananammapalataya sa mga gawaing pagmimisyon bilang pamayanang kristiyano sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga gawain ng parokya.
Katuwang ng cardinal sa pagdiriwang Banal na Eukaristiya si Fr. Albert Delvo ang kasalukuyang kura paroko ng parokya kasama si Parochial Vicar Fr. John Harvey Bagos at ilang pari ng Diocese of Novaliches lalo na ng Vicariate of San Bartolome.
Dumalo sa pagdiriwang ang nasasakupang pamayanan ng parokya gayundin ang iba pang sektor na bahagi ng San Bartolome de Novaliches.