480 total views
Binigyang-diin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na hindi nababawasan ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan sa kabila ng pagkukulang ng tao.
Ito ang pagninilay ng Arsobispo sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ngayong June 24.
Ipinaliwanag ni Cardinal Advincula ang ebanghelyo ni San Lucas kung saan iniwan ni Hesus ang marami para sa isang nawawala.
“Hindi nababawasan kundi mas umiigting ang pag-ibig ng Diyos sa atin sa mga pagkakataong tayo ay nawawala, nalalayo at napipilayan,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Hamon ng cardinal sa mananampalataya na sikaping tularan ang mga halimabawa at gawi ng puso ni Hesus tungo sa nagkakaisang pamayanan.
“Magpasalamat tayo sa dakilang pag-ibig ni Hesus para sa atin at humihimok sa atin na tularan ang Kanyang mga gawi; ang buod ng biyayang hiling natin sa Kanya ay naihulma niya ang ating puso sa wangis ng Kanyang puso,” giit ng Cardinal.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang pagdiriwang ng kapistahan sa National Shrine of the Sacred Heart sa Makati City na pinangasiwaan ni Father Victor Apacible – ang kura paroko at rector ng pambansang dambana.
Sa panayam naman ng Radio Veritas kay Fr. Apacible, hiniling nito sa mananampalataya ang patuloy na panalangin para sa mga pari lalo’t kasabay ng kapistahan ng Sacred Heart ang Prayer for the Sanctification of Priests.
Aniya, mahalagang ipanalangin ang mga pastol ng Simbahan upang manatiling matatag sa kabila ng iba’t ibang usaping kinasasangkutan ng mga lingkod ng Simbahan.
“Today also is the prayer for sanctification of priests everytime we celebrate the feast of the Sacred Heart kasama ang sanctification of priests we pray for all priests, my fellow shepherds,” pahayag ni Fr. Apacible.
Dalangin ni Carinal Advincula ang kadalisayan ng puso ng bawat isa tulad ng puso ni Hesus.