666 total views
Ito ang hamon sa mananampalataya ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, dating Apostolic Administrator ng Diocese of Malolos, sa kanyang pagninilay sa Banal na Misa ng Coronacion Canonica ng Birhen ng La Purisima Concepcion de Santa Maria, sa unang araw ng Pebrero 2020.
Ayon kay Bishop Ongtioco, ang kababaang loob ng mahal na birhen ang naging daan upang siya ay mahirang bilang ina ng Panginoong Hesukristo, ang tagapagligtas ng sanlibutan.
Dahil dito, kalakip ng koronang ipinutong sa Mahal na Ina, nawa ay maihandog din ng mananampalataya ang kanilang masunuring puso na puno ng pagmamahal sa Panginoon at kababaang loob tanda ng kahandaan ng pagsunod sa Diyos “S’ya ang La Purisima na ating pinipintuho.
“Kalakip ng korona sa kan’yang ulo’y ating ipinuputong ay ang ating mga pusong inihahandog higit sa marangyang regalo ay ang mga puso ng masunuring anak masintahin n’yang pag ibig ay suklian natin ng pagtulad sa kanyang mga katangian”,pagninilay ni Bp. Ongtioco.
Tinatayang mahigit 200 taon na ang debosyon ng mga taga Sta Maria Bulacan sa imahe ng mahal na birhen ng La Purisima Concepcion.
Matatandaang ika-tatlo ng Mayo 2018 nang gawaran ng Coronacion Episcopal ng namayapang Obispo ng Malolos na si Bishop Jose Oliveros ang imahe ng La Purisima Concepcion.
Ika-28 ng Marso 2019 naman, inaprubahan ng Santo Papa ang dekreto ng pagkilala ng simbahang katolika sa imahe upang gawaran ng coronacion canonica.
Sa tala ang Birheng ito ng Santa Maria, Bulacan ang pang 43 sa mga imahe sa Pilipinas na ginawaran ng Coronacion Canonica.