754 total views
May pagkakahawig ang buhay ng mga Bayani at ang mga Santo ng Simbahang Katolika.
Ito ang inihayag ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, kaugnay sa paggunita ng National Heroes Day.
“Unang-una siguro yung pagkakapareho nila ay parehong nag-aalay ng buhay. Yung mga bayani natin, nag-aalay ng kanilang buhay sa paglilingkod at pagmamahal sa ating bayan habang yung mga martir [Simbahang Katolika] naman natin yung nag-aalay ng buhay din nila para sa pananampalataya, para sa Diyos at sa bayan ng Diyos.” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo isang magandang halimbawa para sa mamamayan at mananampalataya ang ipinakikita ng mga bayani at Santo na nagbuwis ng kanilang buhay bilang pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa.
Dahil dito hinimok ni Bishop Mallari ang mga mamamayan partikular na ang mga kabataan sa bansa na tularan ang kabutihang ipinamamalas ng mga bayani at ang pagsusumikap ng mga Santo na maipalaganap at maihayag ng buong tapang ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Samantala, sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte ay binigyang pagkilala ang mga Ordinaryong mga Bayani sa kasalukuyang panahon na nagsusumikap para maitaguyod ang mga mahal sa buhay at ang bansang Pilipinas.
Kabilang sa mga binanggit ng pangulo ang mga Sundalo lalo na ang mga nakikipaglaban sa mga terorista sa Marawi City noong nakalipas na taon, ang mga pulis na tapat naglilingkod sa bayan, mga Overseas Filipino Workers at ang mga guro na nagsusumikap araw-araw na nakatutulong sa pag-unlad ng bayan at ng mamamayan.
Batay naman sa kasaysayan ng Simbahang Katolika, mahigit sa sampung libo na ang mga idineklarang Santo kabilang na dito ang mga Filipinong Santo na si San Pedro Calungsod at San Lorenzo Ruiz na kilalang nagtatanggol sa pananampalatayang Katoliko.
Magugunitang sinabi noon ni Pope Francis na ang lahat ay mga bayani sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa.