10,544 total views
Hinamon ng kura paroko ng Sts. Peter and Paul Parish, Poblacion, Makati City ang bawat isa na patatagin ang pananampalataya katulad ng ipinahayag nina Apostol San Pedro at San Pablo bilang mga tagasunod ni Kristo.
Ayon kay Fr. Kristoffer Habal, ang bawat isa ay inaanyayahan na higit pang palalimin ang pananampalataya sapagkat ito ang nagpapatibay ng pananalig ng bawat isa sa Panginoon, at bilang mga kasapi ng sambayanan.
Ang panawagan ni Fr. Habal ay mula sa kanyang pagninilay sa Misa Mayor para sa Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo, at pagdiriwang sa Sampiro Fiesta 2024 ng Makati City.
“Kapag mayroon tayong pananampalataya, nagiging matibay tayo. Ang pundasyon ng simbahan ay hindi pundasyong bato o materyal na bagay. Ang pundasyon ng simbahan, ang pundasyon natin bilang sambayanan ay walang iba kung hindi ang pananampalatayang ipinahayag ni Pedro–ang pananampalataya kay hesukristo,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Habal.
Hiniling naman ng pari na ang mga tradisyon at debosyong isinasagawa sa parokya ay magbunsod upang higit pang mapatibay at mapalalim ang pananampalatayang Kristiyano.
Kabilang sa mga debosyong isinasagawa tuwing Sampiro Fiesta ay ang Panatang Sayaw o Baile de los Arcos na nagsimula pa noong 1796 bilang pananalangin at pagpaparangal sa tatlong patron ng Lungsod ng Makati na sina San Pedro at San Pablo, at ang Mahal na Virgen dela Rosa.
“Alam ko dito sa ating parokya marami tayong mga debosyon, tradisyon at kaugalian. Magaganda po ang lahat ng ito pero sana po ang lahat ng ito’y humantong sa pananampalataya…Ang lahat ng gagawin natin dito sa ating parokya sana’y magpatibay at magpalalim pa ng ating pananampalataya kay Hesukristo hanggang ang pananampalataya natin ay maging pundasyon ng ating buhay,” ayon kay Fr. Habal.
Matapos ang Misa Mayor ay isinagawa ang prusisyon ng mga imahen nina San Pedro at San Pablo, na sinundan naman ng tradisyunal na Panatang Sayaw.
Nitong, Hunyo 28, kasabay ng ikasiyam at huling Misa Nobenaryo para sa karangalan ng tatlong patron ay opisyal nang itinalaga ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula si Fr. Habal bilang kura paroko ng parokya.
Makakatuwang ni Fr. Habal sa parokya bilang mga bikaryo paroko sina Fr. Ramon Merino at Fr. Adrian Albert David.
Magugunita noong nakaraang taon, kasabay rin ng kapistahan ng dalawang apostol, nang kilalanin ng National Museum of the Philippines ang Sts. Peter and Paul Parish bilang Important Cultural Property.
Nito namang ika-23 ng Hunyo, sa bisa ng Makati City Ordinance ay idineklara ng lungsod ang canonically crowned Virgen dela Rosa de Macati bilang patrona ng lungsod at cultural heritage treasure, at ang paglulunsad sa Rosas ng Sampiro Festival.