778 total views
Hinimok ng Friends of Blessed Carlo Acutis Philippines ang mananampalataya lalo na ang kabataan na tularan ang mga halimbawa ni Beato Carlo Acutis.
Ayon kay Bro. Christoffer Denzell Aquino, SHMI, chairman ng Friends of Blessed Carlo Acutis Philippines na nais ng batang banal na akayin ang mga kabataan tungo sa malalim na debosyon at pagmamahal sa Panginoon lalo na sa Eukaristiya.
“Hinu-hook po ng pagbisita ng bagong relic na mas lalo pang umigting ang pagmamahal ng mga kabataan sa Holy Eucharist since ang spirituality ni Blessed Carlo Acutis,” pahayag ni Aquino sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok ni Aquino ang mga kabataan na tingnan ang mga gawi ni Beato Carlo na pinaiigting ang pakikipag-ugnay kay Hesus sa pamamagitan ng Eukaristiya, debosyon sa Mahal na Birhen at mga banal.
Inihayag ni Aquino na hamon nito sa mananampalataya lalo sa kabataan na talikdan ang mga maling gawain sa halip ay ilaan ang buhay sa Panginoon sa pananalangin at paglingap sa kapwa.
“Sa lahat ng mga kabataan inaanyayahan ko kayong maging deboto o kalakbay ni Blessed Carlo Acutis isa po siyang ehemplo na tayo’y magbalik loob sa Diyos at ilagay ang Eukaristiya bilang sentro ng buhay lalo na ngayong digital age napakaraming distractions at naghi-hinder sa atin na magkaroon ng personal relationship with God at sa simbahan,” dagdag ni Aquino.
Pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang pagtanggap sa relikya ni Beato Carlo sa misang ginanap sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Malolos Cathedral na dinaluhan ng daan-daang mga deboto na karamihan ay kabataan.
Sa hiwalay na panayam ng himpilan kay Bro. Francis Bartolome ang formation officer ng grupo, ipinaliwanag nito na ang Friends of Blessed Carlo Acutis Philippines ay isang ecclesiastical non-profit organization na nagsusulong ng debosyon sa batang santo sa Pilipinas na isang buklod pamayanan ng mga layko, pari at consecrated person.
“Ito ay binuo bilang tugon sa hamon ng ating bagong henerasyon na ang misyon ay maihatid ang mabuting balita sa mga tao lalo na sa mga kabataang Pilipino,” giit ni Bartolome.
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga opisyal ng panlalawigan at lokal na pamahalaan ng Bulakan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro.
Sa panayam ng himpilan ikinagalak ni Fernando ang pagdalaw ng relikya ni Beato Carlo at itinuring na biyaya para sa buong lalawigan.
Dalangin ng gobernador nawa sa tulong ng mga panalangin ni Beato Carlo ay magbuklod ang mamamayan ng Bulacan tungo sa pag-unlad at pagsulong ng kapayapaan.
Hinimok din ni Fernando ang nasasakupan lalo na ang kabataan na gawing ehemplo si Beato Carlo at pag-alabin ang pananampalataya.
“Sa lahat ng ating mga kabataang Bulakenyo sana maging ehemplo sa atin si Beato Carlo Acutis alam naman natin na sa panahon ngayon ay iba na ang mga kabataan pero alam ko na ang kabataang Bulakenyo ay mananampalataya ng ating Panginoong Hesus,” saad ni Fernando sa Radio Veritas.
Ang relic ni Beato Carlo na ex corpore et ex capilis ay kaloob ng Diocese of Assisi at ng Associazione Amici di Carlo Acutis para sa pagpapalago ng debosyon ng batang banal dito sa Pilipinas.