228 total views
Ito ang hamon ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales sa mga mananampalataya kasabay ng pagdiriwang ng ika-100 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Missionary Society of Saint Columban.
Ayon kay Cardinal Rosales, si St. Columban ay hindi lamang basta nagtuturo at nagpapahayag ng salita ng Diyos dahil pinipilit nitong abutin ang pinaka mahihirap na tao sa lipunan at patuloy na hinahanap ang Panginoon sa katauhan ng mga nangangailangan.
“Columban showed that a missionary was not just a man that brought the good news to people of many cultures and traditions, hindi basta pumaparoon at nagsesermon, but he was also a man that reach out to people specially the poor and reaching out to others, Columban was constantly in search for God.” Bahagi ng homiliya ni Cardinal Rosales.
Dagdag pa niya, bilang isang misyonero, kinakailangang maging handa ito na harapin ang lahat ng hamon na kaakibat ng pagpapahayag ng turo ng Panginoon, kasama na ang pangungutya ng mga tao.
Ipinaliwanag ni Cardinal Rosales na ang mga karanasan ni Hesus sa kanyang pangangaral ay nauulit din sa mismong buhay ng mga misyonerong nagpupunta sa dayuhang mga bansa.
“Ganun pala ang misyonero, sari-sari ang nararanasan, pinupuri at nilalait. So much like Jesus preaching in Nazareth, in Nazareth they wanted to stone Him. Nauulit ang istorya ni Hesus sa buhay ng tunay na misyonero.” Dagdag pa ni Cardinal Rosales.
Samantala, pinasalamatan naman ni Iba Bishop Bartolome Santos ang mga Columban Priests at Missionaries sa mga ambag nito sa pananampalataya ng mga tagazambales.
Inspirasyon para kay Bishop Santos ang wika ni St. Columban na “If you wish to know God, embrace God’s creation”, dahil sa hamon ngayon na pangalagaan ang kalikasan, kaya naman tinatanaw nito bilang malaking utang na loob sa mga Columban ang kanilang adbokasiya sa panganagalaga ng kapaligiran.
“Kung gusto nating makilala ang Diyos bakit nga hindi natin yakapin ang kanyang sanilikha o ang kanyang magagandang nilikha… talagang pinasasalamatan namin ang mga Columban Fathers at hindi namin malilimutan ang mga ginawa nilang kabutihan ang iniwan nilang pananampalataya ang iniwan nilang napakaraming bagay na ngayon ay amin nang pinakikinabangan.” Pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Ika-29 ng Hunyo taong 1918 nang maitatag ang Missionary Society of St. Columban na binigyang pagkilala ni Pope Benedict XV.
Makalipas ang labing-isang taon, noong 1929, dumating ang Columban Missionaries sa Pilipinas at magmula noon ay naging bahagi na ng Simbahang Katolika ng bansa.
Kabilang sa mga lalawigang unang pinuntahan ng Columban Missionaries ang Cavite, Camiguin, Cebu, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Misamis Occidental at Misamis Oriental, Negros Occidental at Oriental, Pangasinan, Rizal, Surigao Del Sur, Zambales, at Zamboanga del Sur.
Dito nagtatag ng mga paaralan, at simbahan ang mga Columban Missionaries na nagpayabong pa sa pananampalatayang Kristiyano ng mga Katoliko.