799 total views
Nais ng kura paroko ng Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador sa Pulilan Bulacan na isabuhay ng mananampalataya ang gawa at mga halimbawa ni San Isidro na pintakasi ng mga magsasaka.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Father Dario Cabral, tema sa pagdiriwang ng kapistahan ang ‘Tinatawag sa Kabanalan’ na paanyaya sa bawat isa na mamuhay ng naaayon sa turo ng Panginoon tulad ni San Isidro Labrador.
“Nais namin na ang kabanalan ni San Isidro ay hindi paggunita kundi pagsasabuhay nito lalong lalo na sa larangan at sektor ng mga magsasaka sa ating bansa,” pahayag ni Fr. Cabral sa himpilan.
Tinukoy ng pari na ang pagiging masigasig, masipag at matiyaga ng mga magsasaka ay isang konkretong halimbawa ng pamumuhay sa kabanalan tulad ni San Isidro Labrador.
Sinabi ng Pari na malaki ang tungkuling ginagampanan ng sektor ng pagsasaka na katuwang ng Panginoon sa pangagalaga sa kalikasang ipinagkaloob sa sangkatauhan.
“Ipinakikita ng mga magsasaka ang sipag at tiyaga na linangin ang bukid hindi para sa sarili kundi para mapakain ang lipunan; kabanalan iyon dahil inuuna ang kapakanan ng kapwa bago ang sarili,” ani Fr. Cabral.
Dahil dito hamon ni Fr. Cabral sa bawat mamamayan na magbuklod tungo sa Panginoon at hilumin ang anumang hindi pagkakaunawaan gaya ng pagkakahati-hati nitong nagdaang halalan.
“Hamon sa atin na iwaksi ang ating pagkamakasarili, yakapin ang isa’t isa tulad ng mga magsasaka na iwinaksi ang sariling kapakanan para mapakain ang bawat mamamayan,” giit ng pari.
Si San Isidro Labrador ay kilala sa kanyang malalim na pananampalataya sa Panginoon kung saan araw-araw itong bumibisita sa mga simbahan bago tumungo sa kanyang bukirin.
Pumanaw ang santo noong Mayo 15, 1130 at idineklarang banal noong 1622 kasama sina San Ignacio de Loyola, San Francisco Javier, Santa Teresa ng Avila at San Felipe Neri.
Ang Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador ay itinatag ng mga Agustinong misyonero noong 1794 habang 1873 ng tawagin itong San Isidro de Pulilan sa pangunguna ni Fr. Simon Barroso.
Naitalagang unang kura paroko sa dambana si Fray Vicente Villamanzo, mula sa Order of Saint Augustine.