376 total views
Isang pambihirang pagkakataon ang idineklarang Year of St. Joseph ni Pope Francis ngayong taon upang higit pang mapalalim ang pagkilala at debosyon kay San Jose.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Diocese of Borongan Bishop Crispin Varquez kaugnay sa paggunita ng Year of St. Joseph ngayong taon at nakatakdang pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ni San Jose sa Mayo-a-uno.
Ayon sa Obispo, malaki ang papel na ginampanan ni San Jose sa pagsasakatuparan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon sa sanlibutan sa pagkakaloob ng kanyang sarili upang maging katuwang ng Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga at pag-aaruga kay Hesus na tagapagligtas ng sangkatauhan.
Ayon kay Bishop Varquez, ang pagmamahal at pagiging buo at masayang pamilya ang humubog kay Hesus upang matupad ang misyon na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagkamatay sa krus.
“Ibinigay ni San Jose ang buo niyang sarili sa pagkalinga kay Hesus at Maria ang Banal na Familya sa Nazareth. Bilang mga magulang ni Hesus, si San Jose kasama ang Mahal na Birheng Maria ang nag-provide kay Hesus ng mga karanasan ng tunay na pagmamahal at pagkalinga mula ng isinilang siya. Ang mga pagmamahal na naranasang ito sa isang pamilya ang humubog at nagbigay lakas sa kanya upang matupad ang kanyang misyon hanggang siya’y namatay sa krus.” pahayag ni Bishop Varquez.
Binigyang diin naman ng Obispo na hindi nagtapos sa pagkamatay ni Hesus sa krus ang pagkalinga ni San Jose sa malaking pamilya na itinayo ni Hesus bilang Simbahang Katoliko.
Bukod sa pagpapalalim ng debosyon kay San Jose, hinihikayat rin ni Bishop Varquez ang bawat isa na tularan ang mabuting halimbawa ni San Jose na naging tapat at katiwa-tiwalang taga-sunod ng Panginoon sa misyong iniatang sa kanyang buhay.
“Nanatili ang dakilang pagkalinga ni San Jose sa malaking pamilya na tinayo ni Hesus, ang Simbahang Katoliko. Patuloy nating damhin at aasahan ang tulong ni San Jose sa pamamagitan ng kanyang panalangin. Palalimin natin ang ating debosyon sa kanya. Tularan natin ang kanyang halimbawa.” Dagdag pa ni Bishop Varquez.
Ang taong 2021 ay idineklara ni Pope Francis na Year of St. Joseph mula December 8, 2020 hanggang December 8, 2021 kasabay ng paggunita sa ika-150 anibersaryo ng pagkakadeklara kay San Jose bilang Patron ng Simbahang Katolika.