564 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na gawing huwaran si San Lorenzo Ruiz na nanatiling matatag sa kabila ng krisis na pinagdaanan.
Sa mensahe ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz, binigyang diin nito na napagtagumpayan ng unang Filipinong santo ang paghihirap na dinaranas dahil sa pananampalataya sa Panginoon.
“Si San Lorenzo ay hindi natalo sa kanyang pagkamatay kundi nagwagi siya sa kanyang kamatayan dahil sa kanyang pananampalataya; huwag tayong matakot sa krisis kung may pananampalataya tayo at malakas ang ating pananampalataya,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinagdarasal ni Bishop Pabillo na sa nararanasang pandemyang dulot ng Corona Virus ay tularan ng mga tao partikular ng mga Filipino si San Lorenzo na buong tapang na hinarap ang panganib para sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Umaasa ang Obispo na tingnan ng mananampalataya ang buhay at pinagdaanan ni San Lorenzo na nasawi sa pagtatanggol ng pananampalataya at nanindigan para sa Panginoon.
Tinukoy ni Bishop Pabillo na sa kabila ng pang-uusig, pambibintang at pag-alis ng santo sa Pilipinas noong ika-16 na siglo patungong Japan para sa kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya ay nanatiling matatag ang pananampalataya nito sa Panginoon.
“Tingnan natin si San Lorenzo na dumaan sa matinding krisis sa buhay ngunit lumabas sa krisis ng matatag bilang isang martir,” dagdag pa ng obispo.
Sa kasaysayan, ika-27 ng Setyembre 1637 nang dakpin si San Lorenzo at mga kasama at dinala sa Nagasaki Japan Kung saan sila ay pinahirapan at pinatay dahil sa paninindigan sa pananampalataya.
Ika – 18 ng Pebrero 1981 nang ginanap ang beatipikasyon ng martir na Filipino na ginanap sa Pilipinas sa pagbisita ni St. John Paul II ang noo’y Santo Papa at ganap na naging santo noong October 18, 1987.