452 total views
Umaasa si Tagbilaran Bishop Alberto Uy na tularan ng mananampalataya ang mga halimbawa ni St. Marie Rivier na buong pusong inialay ang buhay sa paglilingkod sa Panginoon.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Obispo sa Thanksgiving Mass kasunod ng canonization ng santo noong ika-15 ng Mayo 2022.
Ayon kay Bishop Uy, kahanga-hanga ang mga halimbawa ni St. Marie Rivier na sa kabila ng kahirapang hinarap mula kabataan ay hindi ito pinanghinaan ng loob bagkus mas pinaigting ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
“We praise and thanks God, and may the Blessed Virgin Mother continue to inspire us to become like Marie Rivier brave and strong in proclaiming Jesus to the world,” ani Bishop Uy.
Isinalaysay ng Obispo ang karanasan ng santa mula sa pagiging paslit hanggang maging madre at itinatag ang Presentation of Mary Sisters.
Kabilang na rito ang pamumuhay ng payak at buong ipinagkatiwala sa Diyos ang anumang hamong kinakaharap na ayon kay Bishop Uy ay hamon din ng Panginoon sa bawat mananampalataya sa sanlibutan.
“Smallness or simplicity, trustworthiness and courage are the assets of the little ones and the childlike, like St. Marie Rivier; Jesus today wants us to rediscover these lifelong virtues as adopted children of the Heavenly Father,” dagdag pa ng Obispo.
Ibinahagi rin ni Bishop Uy ang kahalagahan ni St. Marie Rivier sa buhay ni Angel Marie Vier Degamo ng Clarin Bohol na gumaling sa karamdamang Fetalis Hydrops na isang nakamamatay na sakit dahil sa pamamagitan ng santa tungo sa Panginoon.
Ang kagalingan ng paslit ang isa sa naging daan upang maitalagang banal ng Simbahang Katolika si St. Marie Rivier makaraang iugnay ng pamilya Degamo ang kagalingan ng bata sa himala ng santa.
Pinagtibay naman ni Father Ramon Jose Ongcog ang mga testimonya ng pamilya ng italaga ito ni Bishop Uy bilang Episcopal Delegate na nag-imbestiga sa himala ng santa.
Ginanap ang thanksgiving mass kay St. Marie Rivier sa Basilica de Santa Maria Maggiore sa Roma isang araw matapos ang canonization na dinaluhan ng international members ng Sisters of Presentation of Mary sa pangunguna ni Mother Maria dos Anjus Alves, mga obispo mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at mga deboto ng santa.