3,186 total views
Tularan ang pag-ibig at pananampalataya ni St. Therese of the Child Jesus.
Ito ang mensahe ni Lung Center of the Philippines Chaplain Fr. Almar Roman, MI sa ikalawang pagbisita ng pilgrim relics ni St. Therese sa ospital.
Ayon kay Fr. Roman, magsilbi nawang inspirasyon sa bawat isa ang naging buhay ng banal na buong pusong inialay alang-alang sa paglilingkod sa Panginoon.
“Narito siya ngayon nagpapahayag ng pagmamahal, pananampalataya, at patuloy na pagyakap anumang mga pains and sufferings and sakit na nararanasan ng tao lalo na yung may mga sakit sa baga. Mayroong isang St. Therese na gagabay sa kanila, tutulong sa kanila in a little way upang maramdaman nila ang pagpapala’t pagmamahal ng Diyos,” pahayag ni Fr. Roman sa panayam ng Radio Veritas.
Paalala naman ng pari sa mga may karamdaman sa baga na huwag mawawalan nang pag-asa at sa halip ay patuloy na maging matatag sa kabila ng pinagdaraanan.
Sinabi ni Fr. Roman na alalahanin lamang si Sta. Teresita na bagamat sa edad na 24 ay nagkasakit ng Tuberculosis, hindi pa rin nito tinalikdan ang pananampalataya bagkus ay higit pang nagtiwala sa pagpapala ng Panginoon.
“Kahit na may nararanasang hirap, pwede pa ring maglingkod sa Diyos. At gaya ni St. Therese, inialay niya ang kanyang sarili sa Diyos sa paglilingkod at hindi naging hadlang ang sakit niya,” ayon kay Fr. Roman.
Si St. Therese of Lisieux ang patron ng misyon at mga may sakit sa baga tulad ng Tuberculosis.
Ang pagbisita ng relikya ni Sta. Teresita ay bahagi ng 5th Philippine Visit of the Pilgrim Relics of St. Therese of the Child Jesus na may temang Lakbay Tayo, St. Therese! Kaalagad, Kaibigan, Ka-misyon na nagsimula noong Enero 02, 2023 at magtatapos sa Abril 30, 2023.
Ito ay sa inisyatibo ng Military Ordinariate of the Philippines.