202 total views
Mga Kapanalig, likas sa ating mga tao ang manirahan sa isang lugar kung saan makakapamuhay tayo nang matiwasay. Aalis tayo doon kung may mas magandang oportunidad sa ibang lugar o kaya naman ay may mga banta sa ating buhay. (Hindi ba’t sa kuwento ng unang Pasko, sina Maria at Jose ay nangailangang umalis sa kanilang bayan upang takasan karahasang dala ni Haring Herodes?) Bahagi na nga ng patuloy na kasaysayan ng mundo ang paglipat-lipat ng mga tao. Ito po ang tinatawag na “migration” at kahapon, ika-18 ng Disyembre, ay ang araw na itinalaga ng United Nations bilang “International Migrants Day.”
Ang migration ay hindi lamang tungkol sa paglipat ng tao mula sa isang bayan patungo sa isa pa. Sa umiigting na globalisasyon, ang mga tao ay higit pang nabibigyan ng pagkakataong mangibang-bansa upang makahanap ng mas maayos na pamumuhay. Sa kaso nating mga Pilipino, wala nang titingkad pa sa halimbawa ng mga overseas Filipino workers o OFW; karamihan sa kanila ay mga manggagawang nais takasan ang kahirapan sa sariling bayan.
Migrante rin ang mga taong napipilitang lisanin ang kanilang bansa upang iwasan ang karahasan at digmaan. Sila naman ang tinatawag na “refugees,” gaya na lamang ng mga mamamayan ng Syria na hanggang ngayon ay naiipit sa sagupaan ng puwersa ng pamahalaan at ng mga grupong tutol sa mapanupil na rehimen. Nariyan din ang mga taong tumakas at patuloy na tumatakas sa gulong dala ng ISIS at iba pang fundamendalist groups. Libu-libo na ang mga taga-Syria at ibang bahagi ng Gitnang Silangan na sinuong ang panganib makarating lamang sa Europa kung saan nakikita nilang sila ay magiging panatag at ligtas. Nakakalungkot nga lamang, mga Kapanalig, na hindi lahat ng bansa sa Europa ay bukas-palad na tinatanggap ang mga banyaga.
Ayon sa International Migration Report na inihanda ng United Nations, nitong nakalipas na 15 taon (o simula noong taóng 2000), dumami nang 41 porsyento ang bilang ng mga taong nangibang bansa. Umabot na ito nang 244 milyong tao, kung saan 20 milyon sa mga ito ay biktima ng karahasan at gulo sa kanilang bansa. Nagtungo sa Asya at Europa ang pinakamaraming migrante, ngunit sa mga bansa rin mula sa mga kontinenteng ito nagmula ang pinakamaraming nangibang-bansa. Sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming migrante, nagunguna rito ang India, na sinundan naman ng Mexico at Russia. Amerika naman ang tumanggap ng pinakamaraming dayuhan, kasunod ang Germany at Russia. Bahagyang mas mataas ang bilang ng mga lalaking migrante kaysa sa mga babaeng migrante.
Matatagpuan sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang pagbibigay halaga ng Santa Iglesia sa mga migrante at ang pagsusulong nito ng kanilang kapakanan. Sa Pacem in Terris, halimbawa, sinabi ni St John XXIII, na ang bawat tao ay may karapatan sa malayang pagkilos (o freedom of movement) at magkaroon ng panirahanan o residence sa kanyang bansa, at kung makatwiran at kinakailangan, karapatan din ng tao na tumungo sa ibang lugar o bansa at manirahan doon.
Ganito rin ang naging wika minsan ni St John Paul II: Hindi dapat hadlang sa isang tao ang kanyang pagiging mamamayan ng kanyang bansang sinilangan upang maging bahagi ng “human family”, ang pamilya ng sangkatauhan. Ang isang tao ay dapat na ituring na mamamayan ng tinatawag na “universal society,” ang pandaigdigang lipunang kinabibilangan ng lahat.
Samakatuwid, tayong mga Katoliko ay may tungkuling iwaksi ang mga sitwasyong hindi makatao ang pagtrato sa mga migrante. Tungkulin nating tutulan ang mga patakaran ng mga pamahalaan na mistulang nagtatayo ng pader na nagtataboy sa mga hindi natin kababayan, sa halip na isang tulay na iniuugnay at inilalapit tayo sa ating kapwa-tao. Sapagkat sa pagtanggap natin sa mga migrante (o sa pagsusulong ng kanilang kapakanan), nagagawa nating tanggapin si Hesus na nagwikang “Sapagkat ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy.”
Sumainyo ang katotohanan.