433 total views
Mga Kapanalig, sa paggunita ng World Day of Prayer and Reflection Against Human Trafficking noong ika-8 ng Pebrero, sinabi ni Pope Francis na ang pagdurusang dulot ng human trafficking ay isang “open wound on the body of Christ.” Sugat sa katawan ni Kristo at sa katawan ng sangkatauhan ang karahasang dinaranas ng bawat biktima ng human trafficking. Noong 2019, sinabi rin ni Pope Francis na ang human trafficking ay “crime against community” dahil niyuyurakan nito ang halaga at dignidad ng mga biktima bilang tao at bilang nilikhang kawangis ng Diyos.
Ang human trafficking ay ang pag-recruit sa mga tao sa pamamagitan ng panlilinlang, pamimilit, pananakit, at pananakot upang pagkakitaan. Produktong maaaring ilakô ang turing sa mga biktima. Marami sa mga biktima ang nauuwi sa prostitusyon at pornograpiya, pagpupuslit ng droga, sapilitang paggawa o forced labor, paglahok sa mga armadong grupo, pagbebenta ng mga internal organs, at iba pa.
Sa sistema ng rating na ginagamit ng US State Department, nananatiling nasa Tier 1 ang status o katayuan ng Pilipinas mula 2016; ibig sabihin, sumusunod ang bansa sa mga minimum na pamantayan sa pagsugpo ng human trafficking.[4] Sa 2021 Trafficking in Persons Report, lumalabas na pinagsikapan ng ating pamahalaan ang paghahaból at pagpapanagot sa mas maraming human traffickers kumpara sa nakaraang mga nakaraang taon. Dinagdagan din ng gobyerno ang bilang ng mga prosecutors na nakatalagâ sa mga anti-trafficking task forces, pati na ang bilang ng mga kawani sa mga anti-trafficking coordination bodies. Gayunpaman, mayroon pa ring mga pagkukulang dahil hindi nahahatulan ang sinumang opisyal para sa pakikipagsabwatan sa naturang krimen. Hindi rin ganoon kaigting ang mga imbestigasyon sa mga labor trafficking crimes, at hindi pa rin sapat ang mga resources para sa pagpapatupad ng batas at mga paghahatid ng serbisyo sa mga biktima. Kaya naman, nananatili pa ring malaking problema ang human trafficking sa ating bansa.
Dahil kadalasang hindi napapansin ang mga biktima ng human trafficking, ganoon na lang kahirap kumalap ng eksaktong datos kung ilan talaga ang mga bata at mga babaeng nahuhulog sa kamay ng mga human traffickers. Dahil itinuturing na tila kalakal o produkto ang mga biktima, nagdudulot ang krimeng ito ng matinding pisikal, mental, at emosyonal na pinsala sa kanila at sa kanilang pamilya.
Kahit kailan, hindi magiging makatarungan at makatao na ibaba ang halaga ng isang tao bilang isang bagay na pinagsamantalahan at ibinibenta. Pagyurak ito sa karapatan at dignidad ng tao. Gaya nga ng idiniriin sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang anumang nagpapababà sa dignidad ng tao, katulad ng human trafficking, ay paglapastangan din sa Diyos. Dahil dito, mahalaga ang mga ginagawa at gagawin pang hakbang at ang patuloy na pagkilos at pagtutulungan ng pamahalaan, mga pamayanan, Simbahan, pati na mga pamilya upang tuldukan ang krimen ng human trafficking. Sa Mga Awit 82:4, pinagsabihan ng Diyos ang mga namumunong iligtas ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao. Mahalagang paalala rin ito sa ating lahat.
Mga Kapanalig, upang tunay at ganap nating mapagtagumpayan ang laban sa human trafficking na lantarang nilalapastangan ang dignidad ng tao, napakahalagang ang mga susunod na lider ng ating bansa ay bibigyang-pansin ang krimeng ito. Kaya’t kilalanin nating mabuti ang mga tatakbo sa darating na halalan, at piliin ang tunay na ipagtatanggol tayo—lalo na ang mga babae at ang ating mga anak—sa mga masasamang loob. Huwag nating hayaang masadlak sa karahasan at kahirapan ang mga biktima ng human trafficking dahil sa mahinang pagpapatupad ng mga batas o kaya naman ay ang mabagal na pagpapanagot sa mga sangkot dito. Sa darating na eleksyon, piliin natin ang mga ipagtatanggol ang mahihina.