208 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ang buwan ng Nobyembre bilang National Children’s Month. Sa pagdiriwang nito, mainam na tingnan natin kung paano ba isinusulong at pinangangalagaan ng ating pamahalaan ang karapatan ng mga bata. Makikita natin ang sagot sa mga panukalang batas na nakahain ngayon sa Kongreso.
Isang panukalang batas na malinaw na hindi isinusulong ang kapakanan ng mga bata ay ang pagbababa sa minimum age of criminal responsibility o MACR. Sa kasalukuyang batas, mapananagot sa batas ang batang 15 taong gulang, ngunit bunsod na rin ng “war on drugs and crime” ng kasalukuyang administrasyon, may mga nagsusulong sa Kongreso na ibaba ang MACR sa edad na 9.
Ang MACR ay ang pinakamababang edad kung saan ang isang tao ay maaaring makasuhan at makulong. Kung maisasabatas ang mga panukalang ito, may mga batang 9 na taong gulang na mabibilanggo. Sa pananaw ng mga mambabatas na nagsusulong sa pagpapababa ng MACR, ganap na ang kakayahan ng isang 9 na taong gulang na bata upang malaman ang tama at mali at magpasya para sa sarili. Sa madaling salita, naniniwala sila na ang kapasidad ng pagpapasiya ng isang 9 na taong gulang ay katulad ng isang adult o matanda.
Makatwiran nga ba ito, mga Kapanalig? Pakaisipin natin: kung ang edad nga ng pagboto at pagpapakasal sa ating bansa ay itinakda sa 18 taong gulang–ang edad kung saan ipinapalagay na ang isang tao ay kaya nang gumawa ng tamang desisyon—paano masasabing ang isang 9 na taong gulang na bata ay ganap na ang kakayahang gumawa ng bagay na labag sa batas at magpasok sa kanya sa bilangguan?
Marami nang mga pag-aaral ang nagpapatunay na hindi akmang gamitin ang pamamaraang ginagamit upang papanagutin ang mga nakatatanda sa kaso ng mga batang nakagagawa ng krimen. Hindi pa ganap na buo ang kaisipan ng isang musmos kaya’t masasabing kulang pa ang kanilang kapasidad na timbangin ang tama at mali sa kanilang mga ginagawa, na maaaring humantong sa pagkakasangkot nila sa delikadong gawain gaya ng krimen.
Hindi natin sinasabing kapag ang isang 9 na taong gulang na batang lumabag sa batas ay dapat hayaan na lamang sapagkat siya ay bata. Hindi ito ang sinasabi sa Juvenile Justice and Welfare Act. Ang mga batang nasasangkot sa krimen, sang-ayon sa batas, ay kailangang dumaan sa isang “intervention program” na pangangasiwaan ng isang social worker. Sa tulong ng kanilang magulang, kailangan ring magbayad ng danyos sa taong nagawan niya ng mali. Mahalagang itanim sa isipan nila na kung sila ay nagkamali, kailangan nilang panagutan ito sa paraang angkop sa kanilang edad at hindi sa pamamagitan ng paraang ginagamit sa mga matatanda.
Ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga bata, lalo na ng mga batang nagkasala sa batas, ay kinikilala ng ating Santa Iglesia. Sa Catholic Social Teaching na Familiaris Consortio, binigyang-diin ang pangangailangang mabigyan ng espesyal na pansin ang mga bata sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang likas na dignidad at mga karapatan bilang mga tao. Ang atensyong ito ay higit na kailangan ng mas batang nakararanas ng pagdurusa gaya ng mga lumaki sa labis na kahirapan, hindi nakapag-aral, at biktima ng pang-aabuso. Huwag na nating dagdagan ang pagdurusa nila sa pamamagitan ng pagpipiit sa kanila sa bilangguan.
Mga Kapanalig, walang puwang ang pagbababa sa minimum age of criminal responsibility sa isang lipunang minamahal ang mga bata. Sa halip na ituring na kriminal ang mga batang nagkasala sa batas, tulungan natin silang matuto sa kanilang mga pagkakamali at bigyan natin sila ng pagkakataong magbago. Sinasabing bago mag-Pasko ay ipapasá ng Kongreso ang pagbaba ng MACR; maliwanagan nawa sila upang makita nilang hindi ito ang solusyon sa problema ng mga batang nasasangkot sa mga krimen. Hindi pagkukulong kundi tulong at aruga ang kailangan nila.
Sumainyo ang katotohanan.