315 total views
Mga Kapanalig, kalunos-lunos ang sinapit ng ating mga kababayan sa Batangas at karatig bayan matapos sumabog noong nakaraang linggo ang Bulkang Taal. Tiyak na malungkot ang pagpasok ng bagong taon sa mga pamilyang kinailangang lumikas at iwan ang kanilang tahanan at kabuhayan. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nakapagtala na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (o NDRRMC) ng mahigit 88,000 pamilya o katumbas ng mahigit 346,000 kataong naapektuhan sa Batangas, Cavite, Laguna, at Quezon, at sa bilang na ito, hindi bababa sa 37,000 pamilya o humigit-kumulang 137,000 katao ang namamalagi sa 488 na evacuation centers.
Labis na naapektuhan ang ating mga kababayang magsasaka at mangingisda roon dahil hindi lamang tirahan ang nawala sa kanila kundi pati ang pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Tinatayang tatlong bilyong piso ang halaga ng pinsalang dala ng pagputok ng bulkan sa agrikultura. Halos 16,000 ektaryang lupang sakahan at mga plantasyon ang nasira at 2,000 hayop ang nawala. Sa pagtataya pa ng pamahalaan, aabot sa mahigit isang bilyong piso ang nalugi sa sektor naman ng pangisdaan.
Maraming tulong ang ipinaaabot ng mga indibidwal, iba’t ibang pribadong grupo, at mga organisasyon. Sa panig ng pamahalaan, nariyan ang pamamahagi ng pagkain ng DSWD at NFA para sa mga pamilyang nasa evacuation centers. Para naman sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda, may tulong-pangkabuhayang ibinigay ang Department of Agriculture (o DA) na may kabuuang halagang 160 milyong piso. Isa rin sa mga naging tugon ng DA ang Survival and Recovery Loan Program nito kung saan ang bawat magsasaka ay pauutangin ng ₱25,000 nang walang interes at babayaran sa loob ng tatlong taon.
Ngunit ang tanong: utang nga ba ang kailangan ng mga magsasakang nawalan na ng tahanan at kabuhayan sa isang sakunang hindi naman nila ginustong mangyari? Tiyak na hindi magiging madali ang pag-ahon ng mga kababayan nating naapektuhan ng pagsabog ng bulkan at maraming taon ang bubunuin nila upang makatindig muli sa sarili nilang mga paa, ‘ika nga. Kung utang ang isa sa mga pangunahing tugon ng pamahalaan sa mga pobreng magsasaka, hindi kaya makadagdag pa ito sa marami na nilang bayarin. Puna nga ng isang kongresista, “Nawala na nga sa kanila ang lahat, pagbabayarin pa.”
Hindi raw ba sapat ang buwis na nakakalap ng pamahalaan upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayang magsasaka sa mga lugar na apektado nitong sakuna? Ganito rin ang punto ng grupong Amihan, isang pederasyon ng mga kababaihang magsasaka: “Kagyat na tulong ang kailangan ng mga magsasaka’t mangingisda, hindi pautang.”
Kung maihahantulad natin ang mga kababayan nating naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal sa limanlibong taong sumunod noon kay Hesus, isang kuwentong matutunghayan natin sa Mateo 14:13-21, makikita nating maging ang Panginoon ay kinikilala ang pangangailangang materyal ng mga taong kanyang kinahabagan. “Kinuha Niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala Siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, hinati-hati Niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod Niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog.” Mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tahanang masisilungan, gamit-pangkalusugan ang ayudang kailangan ng mga kababayan natin; hindi pautang, hindi dagdag na bayarin.
Mga Kapanalig, paalala nga ni Pope Francis sa kanyang talumpati sa UN noong 2015, tungkulin ng mga lider ng pamahalaang tiyaking natutugunan ang mga materyal na pangangailangan ng lahat upang mabuhay sila nang may dignidad. Sa kaso ng mga kababayan nating naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal, lalo na ang mga maralitang magsasaka’t mangingisda, kailangan nila ng kagyat na tulong. Tiyak namang sa sandaling makaahon sila, sila mismo ang maghahanap ng pandagdag na kapital upang palaguing muli ang kanilang kabuhayan.