394 total views
Kinakailangan ang nagkakaisang tulong ng pamahalaan at mamamayan ang higit na kinakailangan upang tulungan ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura na labis na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ito ang mensahe ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mutual Relations and Consecrated Persons Chairman, Cubao Bishop Honesto Ongtioco matapos maitala ng Department of Agriculture (DA) ang P362-M pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura.
“Yung suporta sating magsasaka sino pang tutulong sa kanila? kung hindi tayo mga kababayan nila, kaya ito’y tawag din sating mga may kapangyarihan na mag-conduct ng business sa ibang bansa,” ayon sa panayam ni Bishop Ongtioco
Binigyan diin ng Obispo ang pagbibigay ng pangangalaga sa higit na kinakailangan ng mga magsasaka sa Pilipinas na pangunahing nagsusuplay ng pagkain sa bansa.
Kung kaya’t sa panahon ng krisis at pananatili ng banta ng pandemya, kinakailangan ng sektor ng agrikulura ang pag-tulong mula sa mga sangay ng pamahalaan.
“May sinasabi tungkol sa agrikultura na bigyan ng proteksyon, suporta itong ating mga magsasaka na buong buhay nila for many generations sila ay inaasahan ng bansa sana huwag silang pabayaan nasa atin din yon nasa may kapangyarihan nasa sektor ng agrikultura na dapat bigyan ng pansin ito otherwise kawawa sila, kawawa ang ating bansa, wala tayong maaring inaasahan sa future okay?,” ayon sa Obispo.
Umaapela rin si Bishop Ongtioco sa mamamayan na tangkilikin ang mga produkto ng lokal na sektor ng agrikultura upang matulungan ang kabuhayan ang mga manggagawang kabilang sa sektor ng agrikultura at mga pamilyang sumusuporta sa kanila.
Sa pinakahuling tala ng DA Disaster Risk Reduction Management Council Operations Centers umaabot na sa 362.3-Milyong piso ang idinulot na pinsala ng Bagyong Odette sa sektor ng agrikultura.