13,107 total views
Nagpapasalamat si Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa tulong na inihatid ng Caritas Manila sa mga nasalantang mamamayan ng bagyong Carina.
Ayon sa Obispo, napakahalaga ng pag-uugnayan ng mga Social Arm at Diyosesis upang agad na maihatid ang tulong sa mga mamamayan na nasasalanta ng bagyo sa ibat-ibang panig ng bansa.
“Maraming salamat muli mula sa Diocese of Kalookan sa Caritas Manila, maraming salamat sa ating pagtutulungan at gayundin maraming salamat sa mga donors at benefactors na nag-magandang loob para maipaabot itong tulong natin sa mga kapos-palad,” pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas kay Bishop David.
Bukod sa pagpapasalamat, tiniyak ni Bishop David na bahagi lamang ito sa tuloy-tuloy na pag-abot sa mga pinakamahihirap ng Diyosesis ng Kalookan kasama ang iba pang social arm ng simbahan sa bansa.
Tinukoy ng Obispo ang mga feeding program na pinapakain ang mga biktima ng malnutrisyon at pagtulong sa mga batang naapektuhan ng stunting o hindi normal na paglaki nang dahil sa malnutrisyon.
“Sa katunayan ilang taon ng ongoing ang aming Hapag-asa which is the malnutrisyon mitigation project ng lahat ng mission station ng diocese of Kalookan. Hindi naman na talaga natin kaya na pakainin lahat ng nagugutom pero bahagi tayo at magbigay sa iilan na nangangailangan ay napakalaking bagay na,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop David.
Sa tala, umabot sa 1,500-pamilya sa Diyosesis ng Kalookan ang napamahagian ng Manna packages na relief assistance ng Caritas Manila na naglalaman ng bigas, mga de lata, tinapay, hygiene kits at iba pang pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.
Umaabot na sa 5-milyong piso ang halaga ng tulong na naipamahagi ng Caritas Manila sa mga biktima ng bagyong Carina sa Metro Manila at karatig lalawigan.