502 total views
Naghahanda ang Parokya ng San Pedro Martir ng Verona sa Hermosa, lalawigan ng Bataan sa posibilidad ng pagsasasagawa ng relief operation dahil sa mga pagbaha na dulot ng Habagat at Bagyong Fabian.
Ayon kay Rev. Fr. Tony Quintos, kura paroko ng nasabing Parokya, tatlong barangay ngayon sa Hermosa ang lubog sa baha na kinabibilangan ng Almazen, Daungan at Brgy. Pulo.
Unang naghanda ng mga relief goods ang kanilang Parokya bilang bahagi din ng kanilang mga ginagawang community pantry.
“Dito sa aming Parokya nagbabalot na kami ng Bigas na acutally pero ilang piraso lang ito tapos balak naming mag repack pa kasama ang mga delata para kung sakali nakahanda tayo tumugon sa mga kababayan natin dito” pahayag ni Fr. Quintos sa panayam ng Radyo Veritas.
Umaasa si Fr. Quintos sa kakayanan ng Lokal na Pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga kababayan habang tiniyak nito ang pakikipagtulungan ng Simbahan sa Diocese ng Balanga.
Aminado ang Pari na posibleng mas tumaas pa ang baha sa mga susunod na araw lalo na’t magpa-hanggang sa ngayon ay bumubuhos pa ang ulan maging sa mga karatig lalawigan.
“‘Yung Almazen normally hanggang bewang yan [baha] pero patuloy din hindi tumitigil ang ulan nitong mga nakaraang araw marami nang buhos ng ulan kapag tumigil nag-subside agad, ngayon ay nananatili yun ulan kaya baka saturated na ang lupa natin sa tubig ulan.” Pahayag pa ng Economus ng Diyosesis ng Balanga.
Samantala, sa kasalukuyan aniya ay passable pa mang mgapangunahing lansagan patungo at palabas ng Balanga Bataan bagamat ilang mga Bayan pa ang may naitatala na din na pagbaha.
Kaugnay nito, kumikilos na din ang Social Action Center sa Archdiocese of San Fernando sa lalawigan ng Pampanga dahil sa patuloy na pagtaas ng baha sa mga bayan ng Macabebe at Masantol.
Ayon kay Rowena Binuya ng Social Action Center of Pampanga o SACOP, nakikipag-ugnayan na sila sa mga Parokya upang alamin ang kanilang mga pangangailangan.
“Marami na pong baha dito sa Pampanga, lalo na sa bandang Macabebe at Masantol. Pati yung mga Parokya sa coastal areas sa Sasmuan. Nagtatawag na kami sa mga Parokya.”
Magugunitang bagamat nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Fabian ay patuloy itong nagpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon Region dahil sa paghatak nito sa Habagat.