35,472 total views
Tiniyak ng Diocese of Malolos ang suporta at pagtulong sa pangangailangan ng mga biktima ng pagbagsak sa isang bahagi ng San Pedro Apostol Parish sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Dennis Villarojo bukod sa pananalangin ay nakipag-ugnayan na rin ito sa pamilya ng mga biktima.
“We are very much saddened by the incident. We assure them of our solidarity and assistance sa kanilang pangangailangan,” pahayag ni Bishop Villarojo.
Personal na tinungo ng obispo ang parokya gayundin ang pagbisita sa mga ospital na pinagdalhan ng mga napinsala sa insidente.
Batay sa ulat ng City Disaster Risk Reduction Management Office ng San Jose Del Monte nasa 52 katao ang nasugatan habang isa naman ang nasawi.
Sinabi rin ni Bishop Villarojo na nakipag-ugnayan ito sa mga pagamutan upang tugunan ang pangangailangang medikal ng mga biktima.
“So we are contacting ther hospitals na to provide any emergency medical procedures kung ano man ang kinakailangan; mag-usap muna kami sa pamilya and we assure them the assistance from the diocese,” giit ni Bishop Villarojo.
Nangyari ang insidente alas siyete ng umaga ng February 14 habang nagsagawa ng Banal na Misa sa paggunita ng simbahan sa Ash Wednesday.
Hiling ni Bishop Villarojo sa mamamayan ang mga panalangin para sa mga biktima lalo na sa pamilya ng nasawing indibidwal.
“We ask for prayers from everybody upang una sa lahat ay maghilom ang mga sugat, nawa’y wala nang mas malala pang mangyayari sa sinumang nasugatan, we also pray for the eternal repose nitong isang taong napinsala and we pray for the consolation of the family,” saad pa ni Bishop Villarojo.
Suspendido naman ang mga misa at iba pang gawaing espiritwal ng parokya at pansamantalang isinara sa publiko habang magsagawa ng assessment ang mga kawani ng engineering at building department ng city government.
Tiniyak din ni Bishop Villarojo ang pagpapaigting sa assessment sa lahat ng mga simbahan ng diyosesis lalo na ang may dalawang palapag upang matiyak ang seuridad at kaligtasan ng mga magsisimba.
Basahin: