412 total views
Inihahanda na ng Caritas Manila at Sto Niño De Baseco Parish ang tulong para sa mga naapektuhan ng sunog, umaga ng ika-4 ng Marso taong 2022 sa Baseco Tondo Manila.
Ayon kay Bonna Bello, kinatawan ng Sto. Niño De Baseco Parish, bagamat maagap na naapula ang apoy ay ilang kabahayan ang nasunog.
Umabot aniya sa ikalawang alarma ang sunog at patuloy pang inaalam ang lawak ng pinsala nito sa mga residente.
“Kanina po umaga alas otso napakaaga ng sunog mna nangyari dito sa baseco lahat nagulat… Nasa second alarm lang po pero marami pa din pamilya ang naapektuhan kasi ang bahay dito sa area na nasunugan dikit-dikit at maraming nakatira.”pahayag ni Bello sa Radio Veritas
Sinabi ni Bello na nakikipag-ugnayan na ang kanilang Parokya sa ilang mga volunteers para maasikaso ang maagap na pagtugon sa pangangailangan ng mga naapektuhan residente.
“Kanina umaga hanggang sa ngayon patuloy kami naka monitor sa area para sa mga affected families” dagdag pa ni Bello, kinatawan ng Caritas Manila sa lugar.
Ngayong buwan ng Marso ay ginugunita ang Fire Prevention Month ngunit kasabay nito ay ang mataas din na bilang ng mga naapektuhan ng sunog partikular sa Metro Manila.
Kumikilos na ang Caritas Manila para magsagawa ng relief operation sa mga naapektuhan ng sunog at inaasahan itong maganap sa loob ng 25 hanggang 48 na oras bilang bahagi ng Caritas Damayan Fire Response Protocol ng nasabing institusyon.