2,827 total views
Tiniyak ng Diocese of Antipolo ang pagtulong sa mga naulilang kaanak ng Laguna de Bay tragedy sa Talim Island, Binangonan Rizal.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos pag-aaralan ng diyosesis katuwang ang iba’t ibang komisyon upang makapagbalangkas ng konkretong tugon lalo’t kadalasan sa mga nasawi ay naghahanap buhay para sa pamilya.
Tinukoy ng obispo ang suporta sa edukasyon ng mga kabataang nawalan ng magulang dahil sa insidente sa lawa kamakailan.
“Tayo ay tutulong, tayo’y tutugon sa pangangailangan hindi lamang sa panalangin, hindi lang sa Banal na Misa bagkus sa tulong na pang kinabukasan, panghinaharap. Titiyakin ng Diocese of Antipolo sa pamamagitan ng ating mga schools ating pag uusapan at ating babalakin na kung saan bibigyan ng pagkakataon at akuin ang pangangailangan upang patuloy na makapag-aral ang kanilang mga naiwan,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Nitong August 1 ay binisita ng obispo ang mga kaanak ng mga nasawing biktima at pinangunahan ang Banal na Misa sa Sto. Domingo Parish, Janosa Talim Island kung saan anim sa 27 nasawi ang dinala sa simbahan at binasbasan.
Sa homiliya sinabi ng obispo na bagamat hindi madaling mauunawaan ang mga pangyayari ay marapatin lamang na ipagkatiwala sa Diyos ang insidente at magtiwala sa pangakong kaligtasan na kanyang hatid sa sangkatauhan.
Aniya sa tulong ng Mahal na Birheng Maria ay makamtan ng mga naulilang pamilya ang kapanatagan ng puso at maghilom ang sakit na naramdaman.
Apela ni Bishop Santos sa mga kinauukulang ahensya at sa mamamayan na mahigpit sundin ang mga batas kaugnay sa paglalayag para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat isa.
“Kung ang mga batas ay nasusunod at ipinatutupad na kung saan ay talagang walang palusot, walang pinapaboran sapagkat kung ginagamit natin ang disiplina tayo ay magiging ligtas,” ani Bishop Santos.
Pinaiimbestigahan na rin ng mga mambabatas ang paglubog ng M/B Princess Aya upang matukoy ang mga may pananagutan at maparusahan ayon sa itinakda ng batas.
Sinabi ni Senator Raffy Tulfo na dapat managot ang Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority sa kapabayaan sa kanilang tungkulin.
Una nang tinanggal ng PCG ang mga kawaning nakatalaga sa Binganonan habang tiniyak ang imbestigasyon sa kanilang hanay.