257 total views
Hindi magtatapos ang pagtulong ng Caritas Manila sa urban poor communities sa kalakhang Maynila kahit tapos na ang nationwide lockdown dulot ng pandemic Novel Coronavirus.
Ito ang tiniyak ni Fr. Anton CT Pascual-executive director ng Caritas Manila lalu’t posibleng maraming mawawalan ng trabaho dahil na rin sa naubusan ng puhunan.
“Hindi lang naman sa pagtatapos ng lockdown ang katapusan ng tulong. Kasi karamihan ay diyan ay wala ng trabaho at wala ng puhunan. Kaya kailangan nating matulungan sila. Marami ring mga maliliit na kompanya na maaring magsara,” ayon sa pahayag ni Fr. Pascual.
Ayon sa pari, naghahanda rin ang social arm ng Archdiocese of Manila lalu’t para patuloy na magbigay ng tulong lalu’t pinalawig ang enhanced community quarantine ng hanggang sa ika-30 ng Abril.
Patuloy namang hinihikayat ng pari ang mga mananampalataya na makiisa at makibahagi sa isinagawang Ligtas COVID-19 campaign ng Caritas Manila.
“Hanggat may donasyon tayong natatanggap in-cash and in-kind. Kaya’t kung patuloy ang donasyon sa Caritas Manila ng mga may mabubuting kalooban, individuals or corporate ay patuloy po ang tulong natin,” dagdag pa ng pari.
Ito ay para sa tuloy-tuloy na pagtulong sa mga dukha hindi lamang sa umiiral na lockdown kungdi hanggang sa makabalik na ang mga manggagawa sa kanilang trabaho at maliliit na negosyo.
Sa pinakahuling ulat, may higit na sa P11 milyon ang nakakalap na donasyon ng Ligtas COVID-19 campaign ng Caritas Manila na naipaabot na sa 95,900 mga benepisyaryo sa Metro Manila kabilang na dito ang higit sa 8,000 food bags at 500 protection kits.