460 total views
Hinimok ng Commission on the Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na paigtingin ang kawanggawa lalo ngayong umiral ang pandemya kung saan 9.1-milyong Filipino ang nawalan ng trabaho.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, mahalagang magtulungan ang buong pamayanan upang maibsan ang hirap na dinaranas ng mamamayang naapektuhan ng pandemya.
“Hinikayat ko po ang lahat na magbigay ng tulong sa mga mahihirap, sa mga nangangailangan lalo ngayong panahon ng pandemic at nasa ECQ tayo maraming lockdown maraming hindi nakapagtrabaho sa pang-araw araw na pangangailangan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (P-S-A) 9.1 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2021 bunsod ng pagsasara ng mga negosyo dahil sa pagkalugi at epekto ng pandemya.
Paliwanag ni Bishop Pabillo ang Huwebes Santo ang tinaguriang ‘charity day’ sapagkat sa huling hapunan habilin ni Hesus sa kanyang mga alagad ang ipalaganap ang pag-ibig sa kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod at paglingap sa nangangailangan.
“Utos ng Panginoong Hesukristo na magmahalan tayo at maglingkod sa isa’t isa,“ani Bishop Pabillo.
Una nang sinabi ng obispo na mamahagi ng tulong ang mga parokya ng Arkidiyosesis ng Maynila sa mahihirap na komunidad ngayong Huwebes Santo, Abril 1.
Gagamitin dito ang nalikom na pondo sa espesyal na koleksyon ng Alay Kapwa na ipinatupad sa mga simbahan mula noong kuwaresma.
Umaasa ang obispo na bukas ang kalooban at nakahanda ang bawat isa na lingapin ang nangangailangan upang mabigyang pagkakataon na maibsan ang hirap na naranasan.