453 total views
Tiniyak ng Caritas Ukraine ang tulong sa mamamayan ng bansa na patuloy na naapektuhan ng digmaan dahil sa paglusob ng Russia.
Ayon kay Caritas Ukraine Communication Manager Odarka Bordun, libo-libong mga pamilya at residente ang patuloy na nagsisilikas dahil sa patuloy na pagkubkob ng Russia.
Aminado si Bordun, na hindi madali para sa kanilang grupo ang pagsasagawa ng humanitarian efforts dahil na rin sa panganib ng patuloy na sagupaan.
“Ukrainian cities are ruined by shelling. Thousands of people have to leave their home because of Russian aggression caritas Ukraine these days is doing everything possible and even sometimes impossible to assist and support people who suffered because of war. But the situation is extremely difficult and unpredictable,” mensahe ni Bordun sa pamamagitan ng isang video na inilabas ng Facebook page ng Caritas Internationalis.
Nagpapasalamat naman ang Caritas Ukraine sa mga dasal at suporta na ipinahahatid ng iba’t-ibang organisasyon at mga indibidwal mula sa international community.
“We appreciate all the people around the world who support us,” dagdag pa ni Bordun.
Sa kabila ng peligro na nararanasan ngayon sa bansang Ukraine ay sinisikap ng ilang mga tagapamuno ng Simbahang Katolika doon na magsagawa ng kani-kanilang mga paraan upang makatulong lalo na sa pamamagitan ng pagkupkop sa mga bata.
Dito sa Pilipinas ay nagpahayag na ng panalangin at pakikiisa ang mga lider ng Simbahang Katolika para sa kapayapaan at katiwasayan sa bansang Ukraine.