1,581 total views
Hinikayat ng opisyal ng Pontifical Foundation – Aid to the Church in Need Philippines ang mamamayan na patuloy tulungan ang mga inuusig dahil sa paninindigan sa pananampalataya.
Sa panayam ng Radio Veritas kay ACN Philippines Board of Trustee Msgr. Gerry Santos, mahalagang lingapin ng mamamayan ang mga inuusig sapagkat araw-araw itong nangyayari sa iba’t ibang panig ng daigdig.
“Hindi lang dapat tuwing Red Wednesday Campaign inaalala at tinutulungan ang mga persecuted christians kasi araw-araw nangyayari yun; kailangan unang una ay galaw ng pananalangin, ikalawa ay information at ikatlo ay pagtulong pinansyal.” pahayag ni Msgr. Santos sa Radio Veritas.
Ito ang mensahe ng opisyal sa paggunita ng Red Wednesday campaign nitong November 23 sa misang ginanap sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral na pinangunahan ni Bishop Francisco de Leon.
Ipinaliwanag ni Msgr. Santos na higit kinakailangang paigtingin ang pananalangin sa kaligtasan ng bawat kristiyano sapagkat lumalala ang kaso ng karahasan dahil sa pananampalataya.
“Ang mas mahalaga po doon sa pagtulong na iyon ay ang inyong pang-araw-araw na pananalangin kasi there are more persecutions now than any of the centuries, 20th centuries put together, imagine that more persecutions now.” ani Msgr. Santos.
Sa homiliya naman ni Bishop de Leon tinukoy nito ang ilan sa mga dahilan ng pang-uusig sa mga kristiyano tulad ng paniniwala ng ilang teroristang grupo, sekularismo, materyalismo, at ang kawalang moralidad ng tao.
Ikinalungkot ng obispo na maraming mga simbahan sa ibang panig ng daigdig na nilalapastangan ngunit nanatiling tahimik ang mamamayan at maging ang pamahalaan.
“Our defense is to urge the government to do something about it since what are done are against the law.” ani Bishop de Leon.
Tema ng Red Wednesday campaign ngayong taon ang ‘Blessed are the Persecuted’ na layong paigtingin ang kampanyang ipanalangin ang bawat Kristiyanong nakararanas ng karahasan sa buong mundo.
Ayon sa pag-aaral ng Open Doors USA nasa 360-milyong Kristiyano ang naninirahan sa mga bansang marami ang pang-uusig sa mananampalataya.
Nagsagawa ng special collection ang mga simbahan sa paggunita ng Red Wednesday na layong makalikom ng pondo para tustusan ang mga proyekto ng ACN tulad ng pagtatayo ng mga simbahang napinsala dahil sa kalapastangan at sakuna, pagpapaaral ng mga seminarista sa mga diyosesis na nakararanas ng pang-uusig at higit sa lahat ang pagkakawanggawa ng simbahan lalo na sa maralitang sektor ng lipunan.
2017 nang simulang makiisa ang Pilipinas sa kampanyang pagpapailaw ng kulay pula sa mga simbahan at institusyon upang alalahanin ang mga inuusig na kristiyano sa buong mundo.