214 total views
Iwasan ang labis na paggastos sa mga bulalak at kandila sa ating mga yumao bilang bahagi ng pakikipag – simpatya sa mga nasalanta ng bagyong Lawin at Karen sa hilagang bahagi ng Luzon.
Ito ang inihayag ni Apostolic Vicariate of Calapan, Bishop Warlito Cajandig.
Aniya, kung makakapagsasalita lang ang ating mga mahal na yumao mas nanaisin pa nila na ilaan ang gagastusing mamahaling bulalak, kandila at musuleyo sa pagtulong sa kapwang nangangailangan.
Iginiit pa ni Bishop Cajandig, hindi na mahalaga ang pagbili ng maraming bulalak at kandila sa halip ang mainam gawin ng mga mananampalataya ay mag – alay ng panalangin sa harapan ng puntod ng kaanak na yumao o ipamisa ang kaluluwa ng namayapang pamilya.
Paliwanag pa ni Bishop Cajandig na minsan ay mas natutuon ang ating atensyon sa mga palamuti sa libingan ng ating kaanak at nakakaligtaan natin ang mas kinakailangan nila ay ang pagdasal para sa ikapapayapa ng kanilang kaluluwa.
“Sometimes we spend more sa ating mga yumao lalo na may mga kautangan tayo sa mga namatay. But it does not have I think sa kaisipan ng mga namatay ay patay na kami hindi na namin kailangan yang, yung mga musoleo, yung mga pagkain na inihahanda ninyo, mga bulaklak ay nandiyan pa yung ating mga kapatid natin na nasa baba na dapat sila ang tulungan natin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cajandig sa panayam ng Veritas Patrol.
Tuwing sasapit ang All Soul’s at All Saints Day tradisyon na ng mahigit 100 milyong Pilipino ang dumalaw sa mga himlayan o sementeryo ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay upang mag – alay ng panalangin.
Patuloy namang hinimok ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na iwasan ang mag katatakutan o mga halloween parties bagkus ay gunitain ang All Souls and All Saints Day ng isang parade of saints bilang alternatibo sa trick or treat.