327 total views
Pahalagahan ang buhay at at bigyang pagkakataong magbago ang mga nais magbago.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Dan Vicente Cancino Jr., MI kaugnay sa mga programa ng Simbahan at pamahalaan para sa mga biktima ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Fr. Cancino, Executive Secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Health Care, konkretong halimbawa rito ang buhay ni Saint Camillus de Lellis na nalulong sa sugal subalit binago ng Diyos ang pagkatao matapos isinuko ang puso sa Panginoon.
Sinabi ng Pari na ang pinagdaan ng Santo ay sumasalamin na malaki ang posibilidad na magbago ang mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
“Magandang tingnan natin yung buhay niya [Saint Camillus De Lellis] sa rehabilitation ng mga drug dependents ngayon. Kung gan’on yung naging buhay ni San Camillo pwede na nating bigyan ng halaga yung mga drug dependents, bigyan natin ng pagkakataong magbago. Pahalagahan natin yung buhay,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radio Veritas.
Hinimok ng Pari ang bawat isa, ang pamilya at lahat ng sektor ng lipunan na magkaisang tulungan ang mga drug dependents upang magkaroon ng panibagong buhay na kapakipakinabang sa pamayanan.
Iginiit ni Fr. Cancino na sa puso ng Panginoon ay hindi suliranin ang mga nalulong sa masasamang bisyo tulad ng paggamit ng iligal na droga.
“Kapag sila ay nagbago, sila ay magiging ka-parte natin sa pagpapalaganap ng kapayapaan at kaayusan dito sa ating bansa,” dagdag ni Fr. Cancino.
DRUG REHAB NG SIMBAHANG KATOLIKA
Binigyang diin ni Fr. Cancino na tumutulong ang Simbahan sa layunin ng pamahalaan na alisin ang iligal na droga sa lipunan subalit gawin ito sa wastong pamamaraan.
Ibinahagi ng Pari na ang Camillan Fathers ay naglulunsad ng iba’t-ibang programang pangrehabilitasyon upang matulungan ang mga drug dependents na makapagbagong buhay at magabayan sa kanilang pagbabago.
Ilan sa mga Community-based Drug Rehabilitation Program ng mga Paring Camilo ang ‘Panimalay sa Paglaom’ [Home of Hope] sa Cebu at ang ‘Home of Love’.
Nilinaw ni Fr. Cancino na ang pagkalulong sa iligal na droga ay itinuturing ng Simbahan na usaping pangkalusugan at hindi krimen.
Ilan sa mga drug rehab ng Simbahan ang Community Based Drug Rehabilitation Program – Abot Kamay Alang-alang sa Pagbabago (CBDRP-AKAP) ng Diyosesis ng Novaliches, PAReForm Program o Parish Approach to Rehabilitation and Formation ng Diyosesis ng Cubao, Salubong Program ng Diyosesis ng Kalookan at Sanlakbay ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Patuloy din ang panawagan ng Simbahang Katolika na pangalagaan at protektahan ang buhay laban sa mga anti-life legislation at anti-life policies ng pamahalaan.
Read: Life is our call, our mission
Cardinal Tagle sa Walk for Life: Pagyabungin ang lipunan na nangangalaga sa kahalagahan ng buhay