219 total views
Sinang-ayunan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagbibigay diin ng Kaniyang Kabanalan Francisco na hindi kailanman katanggap-tanggap ang pagpapataw ng parusang bitay o kamatayan.
Ito ayon kay Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity.
“Death is totally unacceptable because there are now means to rehabilitate those Who commit crime while protecting the community. The purpose of punishment is rehabilitation and not Vengeance,” ayon sa mensahe ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na marami nang paraan para sa pagpapanibago ng mga taong nagkasala sa batas kasabay na rin ng pagtiyak sa kaligtasan ng komunidad.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na ang pangunahing dahilan ng pagpapataw ng parusa ay para sa rehabilitasyon at hindi bilang paghihiganti.
Binigyan diin naman ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs na bunsod ng pahayag ng Santo Papa Francisco ay wala nang dahilan na magbibigay ng katwiran para muling buhayin sa Pilipinas ang parusang kamatayan.
Ayon sa pari sa pagbibigay linaw ng Santo Papa, higit na hindi katanggap-tanggap sa anumang aspekto ang pagpapataw ng Capital Punishment.
Bago ang dokumento, unang inihayag ni Pope Francis na hindi katarungan kundi isang paghihiganti ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Ayon sa inilabas na dokumento hindi lamang mga inosente kundi maging kriminal ay nagtataglay ng karapatang pantao at dignidad na malalabag sa paraan ng pagpapataw ng parusang kamatayan.
Taong 2006 nang tanggalin ang death penalty law sa Pilipinas habang may 141 bansa na rin ang hindi nagpapatupad ng ‘Capital Punishment’.