235 total views
Umaasa ang Obispo ng Borongan na tuluyan nang maibabalik ang mga kampana sa Balangiga na kinuha ng mga sundalong Amerikano.
Ayon kay Bishop Crispin Varquez nararapat lamang na maibalik ito sa Simbahan dahil ito ay pag-aari ng St. Lawrence Church sa Balangiga.
“I hope nga tunay ito, sana ibalik nila and then we will be very happy sa desisyon ng America kasi it belongs to the Church so it must be returned to the Church,” ang pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Bagamat wala pang nakipag-ugnayan sa Diyosesis hinggil sa pagbabalik ng Balangiga, nagpapasalamat ang Obispo sa mga taong nagtulong-tulong sa pag-apela sa pamahalaan ng Estados Unidos upang mabawi ang nasabing mga kampana.
Ibinahagi ni Bishop Varquez na binuo ng diyosesis ang Committee on Balangiga Bells na natutok sa pagbawi sa mga kampana na kinuha ng mga Amerikano noong 1901.
Ito ay simbolo ng pagwagi sa digmaan sa pagitan ng mga sundalong Amerikano at Filipino kung saan libu-libong mamamayan ng Balangiga ang nasawi kabilang ang mga kabataan at kababaihan.
PAGBABALIK NG MGA KAMPANA
Batay sa ulat magkakaroon ng pagtatagpo sa Wyoming sa ika – 14 ng Nobyembre para sa pormal na seremonya bago ibalik sa Pilipinas ang mga kampana.
Sa pahayag noon ni Defense Secretary Jim Mattis,inabisuhan nito ang US Congress na nais ng sandatahang lakas ng Amerika na ibalik ang Balangiga Bells sa Pilipinas.
Ayon naman kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, dadalo ito sa gaganaping pagtitipon sa Wyoming upang saksihan ang seremonya at ang pormal na pag-release ng mga kampana.
DIOCESAN COMMITEE ON BALANGIGA BELLS
Samantala, kinilala naman ni Rev. Msgr. Pedro Quitorio, III ang namumuno sa Diocesan Committee on Balangiga Bells ang ulat na ibabalik na sa bansa ang mga kampana makaraan ang halos isang siglo.
“If that is true that is a very welcome development napakaganda po niyan,” pahayag ni Msgr. Quitorio.
Nilinaw naman ni Msgr.Quitorio na wala pang kumpirmasyon na natanggap ang diyosesis kaugnay sa pagtatagpo sa Wyoming para sa pormal na pagbabalik ng mga kampana.
Patuloy ang pagkilos ng kanilang komite sa tulong ng mga indibdwal at grupo dito sa Pilipinas at Estados Unidos sa pag-apela hanggang tuluyang muling mailagak sa Simbahan ng Balangiga ang tatlong kampana.
“Ang pagbabalik kasi nito [Balangiga Bells] is an act of Congress an act of US government so antay lang tayo at dasal.” pahayag ng Veritas Pilipinas program host
Ibinahagi naman ni Bishop Varquez na maging ang Obispo ng Wyoming ay tumulong noon upang maibalik sa mananampalataya ng Balangiga ang mga kampana dahil bahagi rin ito ng kanilang ispiritwalidad.