198 total views
Labis na nababahala ang grupong Alyansa Tigil Mina sa bagong pag-aaral ng Global Witness na “At What Cost” kung saan idineklara ang taong 2017 bilang pinaka mapanganib at nakamamatay na taon para sa mga Environmental Defenders.
Lumabas sa pagsusuri na pangunahing dahilan sa pagpaslang sa mga makakalikasan lalo na sa mga Katutubo ay ang pagprotekta nito sa kanilang lupain na pilit na kinakamkam ng mga Agribusiness Companies.
Sa ulat ng grupo naitala ang 207 Insidente ng pagpaslang sa mga land at Environmetal Activist mula sa 22 mga Bansa.
Katumbas ito na halos apat na indibidwal na napapaslang kada linggo.
Sa Brazil naitala ang pinaka malaking bilang na 57 napaslang habang nangunguna naman sa buong Asya ang Pilipinas dahil sa 47 Defenders na napatay noong 2017.
60-Porsiyento ng kabuuang bilang ang mula naman sa Latin America, Mexico, Peru at Nicaragua.
Sa kauna-unahang pagkakataon naitala ang Agribusiness bilang “Bloodiest Industry”, habang sinundan naman ito ng Mining at Logging.
Sa Pilipinas, mariing kinokondena ng Alyansa Tigil Mina ang mga pagpatay na may kaugnayan sa pagmimina at sa Coal Fired Power Plants.
Ayon sa grupo, pangunahing naaapektuhan ang mga katutubo dahil sa ginagawang pagpapalayas sa mga ito mula sa kanilang Ancestral Lands.
Kabilang sa mga inilahad ng ATM ang banta sa grupo ng mga katutubong Palaw’an sa Brooke’s Pt. Palawan, sa Mamanwas tribe sa Cantilan, Surigao Del Sur, Bla’an tribe sa Tampakan, South Cotabato, Mangyan tribe sa Oriental Mindoro, Tau-buhid Mangayan sa Sibuyan Island Mindoro, at ang libu-libo pang lumad sa Mindanao na nakasalukuyan ding nananatili sa Evacuation centers dahil sa Militarisasyon.
Kaugnay dito nananawagan ang ATM kay Pangulong Rodrigo Duterte na hikayatin pa ang mga mambabatas na bilisan ang pagpapasa ng Green Bills.
Kabilang dito ang National Land Use Act (NLUA); Forest Resources Bill (FRB), Alternative Minerals Management Bill (AMMB) at Indigenous and Community Conserved Areas (ICCA) bill.
Samantala, sinusuportahan din ng Simbahang Katolika ang pagsusulong ng mga Batas na Poprotekta sa Kalikasan at magtataguyod sa Karapatan ng mga Katutubo.
sa Encyclical Letter ni Pope Francis na Laudato Si, Inihayag nitong nakalulungkot ang Sitwasyon kung saan labis na pinahihirapan ang mga katutubong Nagpoprotekta sa kalikasan.
Hinahamon ng Santo Papa mamamayan at ang mga may katungkulan sa Pamahalaan na ipagtanggol at pigilan ang ganitong pagtrato sa mga Environmental defenders at sa mga katutubo.