499 total views
Tiniyak ng Pamahalaan ang pagtugon sa pagtaas ng kahirapan sa bansa.
Ayon sa ensiklikal na Populorum Progressio o On the Development of Peoples na inilathala ni Pope Paul VI kung saan binigyang diin na kaakibat ng pag-unlad ng mundo ay ang pagtaas ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Ang paglaganap ng korapsyon na dahilan ng suliraning pampulitika at pang-ekonomiya na higit umaapekto sa ordinaryong mamamayan at pinakamahinang sektor ng lipunan.
Dahil dito, inihayag ni National Economic Development Authority Undersecretary Rosemarie Edillon na prayoridad ng kasalukuyang Administrasyon ang paglutas sa kahirapan ng mga Filipino.
“Talagang ang concern ng Gobyerno is to make sure na protektahan ang mga mahihirap at mabawasan ang ranks ng mahihirap sa Pilipinas.” pahayag ni Edillon sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng opisyal na kasabay ng paglaki ng ekonomiya ng bansa ay tumataas din ang presyo ng mga bilihin ngunit tinututukan ngayon ng pamahalaan ang pagpababa sa presyo ng bigas dahil ito ay pangunahing sangkap sa pagkain ng bawat pamilya.
Batay sa huling survey ng Social Weather Station 12 milyong mga pamilya ang nagsasabing naghihirap o katumbas ng halos 60 milyong Filipino.
Ayon kay Edillon, ito ay self-rated poverty lamang at may mga batayan upang matukoy ang tunay na mahirap na mamamayan kabilang ang Family Income Expenditure Survey.
Ibinahagi pa ng opisyal na sa pagitan ng 2012 at 2015 bumaba ang bilang ng mga mahihirap sa Pilipinas dahil sa pagpapalakas ng non-agricultural na uri ng trabaho, pamamahagi ng pamahalaan ng tulong pinansyal at ang paglakas ng domestic remittances.
Panawagan ng mga lider ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa pamahalaan na tugunan ang mga suliraning labis na umaapekto sa mga mahihirap at pahalagahan ang kapakanan at karapatan ng bawat mamamayan.