2,834 total views
Bilang mga kristiyano ay hinihikayat ang bawat isa na tumugon sa pangangailangan ng mga mahihirap, dahil ang kahirapan ay malaking banta sa kaganapan ng buhay.
Ayon kay Caritas Manila executive Fr. Anton Pascual na siya ring pangulo ng Radio Veritas, ang panahon ng Kuwaresma at Semana Santa ay isang pagkakataon sa bawat isa hindi lamang para manalangin, kundi higit ay ang pagsasabuhay ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagtulong o pagkakawanggawa sa kapwa.
“Poverty is a serious threat sa fullness of life kaya’t bilang kristiyano at mamamayan tayo po ay nagtutulungan nag-aabuloy po tayo para makatulong po tayo sa mahihirap,” ayon sa pahayag ni Fr. Pascual.
Muli namang inilunsad ng Caritas Manila ang Alay Kapwa Telethon 2023 na layung makapangalap ng pondo para sa mga posibleng biktima ng kalamidad.
Bukod sa higit 20 bagyo kada taon, karaniwan din ang malalakas na lindol sa Pilipinas at iba pang mga sakuna tulad ng mga sunog.
Sa tala, umaabot sa 30-40 ang insidente ng sunog sa Metro Manila kada taon.
Kaya’t muli ang paghikayat ni Fr. Pascual sa mananampalataya na makibahagi sa mga programa ng simbahan tulad ng disaster response, feeding at scholarship programs.
“Kaya nga ang simbahan kapag ganitong panahon ng Lenten season meron tayong fasting, prayer, and alms giving yung ating mga natipid dahil po tayo ay nag-fasting at nag-abstinence ay hindi natin tinatago ito po ay tinutulong natin at ang maganda ang programa ng Caritas Manila sa damayan sa pagtulong sa mga victims of disasters,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Ngayong araw, muling inilunsad ng Caritas Manila sa pakikipagtulungan ng Radio Veritas ang Alay Kapwa 2023 na layong makapangalap ng pondong ilalaan sa mga programa ng simbahan.