279 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang bawat Kristiyano na tumulong sa pagbangon ng Marawi City na labis na nalugmok dulot ng digmaan.
Ayon kay Cardinal Tagle, ito ang pagkakataon na dapat ipakita ang pagdamay sa ating kapwa lalu’t naging sandigan ng mga kristiyano ang mga Muslim na nagmalasakit para sa kanilang kaligtasan sa kamay ng Maute-ISIS group.
“Nanawagan po ako sa mga kapatid nating mga Kristyano. Narinig natin ang mga kwento kung paano ang mga kapatid nating mga Muslim ay gumawa ng paraan para maprotektahan ang mga Kristiyano na noon ay baka mahuli. Baka sila ay mapahamak, dinamayan sila, pinrotektahan sila. ‘Iyan po ang pagiging magkakapatid; ‘yan ang pagiging makatao; pagiging anak ng Diyos; at ang pagiging Filipino. Ngayon naman po, tayong lahat lalu na ang mga kapatid nating Kristiyano, tayo po ay dumamay. Sa pamamagitan ng ating pagtulong sa pagbangon muli ng Marawi,”panawagan ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Cardinal Tagle na ang pagtulong ay hindi lamang dahil sa tawag ng pangangailangan kundi ang panawagan sa atin ni Hesus bilang mga anak ng Diyos.
“Ang pagdamay sa kapwa ay isa sa hinihingi sa atin. Hindi lamang ng panahon, hindi lamang ng pagiging makatao at marunong makipagkapwa tao, kundi ito rin po ay hinihingi sa atin ng ating Panginoong Hesuskristo ang pagdamay. At lalu na po sa mga kapatid natin na dumanas ng napakaraming pagsubok sa Marawi,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Una na ring inilunsad ng Caritas Manila at Radio Veritas ang Damay Kapanalig sa Marawi Telethon upang maging bahagi sa pagbangon ng Marawi City na labis na napinsala dulot ng limang buwang digmaan.
Sa ulat, higit sa 300,000 o buong populasyon ng lungsod ang lumikas dahil sa digmaan at umaasang makakabalik pa sa kanilang tahanan at makatanggap ng tulong hindi lamang sa pamahalaan kundi maging sa simbahan.
Ang Marawi ang natatanging Islamic City sa bansa na may 90 porsyento ng populasyon ay pawang mga Muslim habang ang 10 porsiyento lamang ang pawing mga Kristiyano.