184 total views
Karapatan ng bawat Filipino na malaman ang tunay na kalagayang pangkalusugan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na bilang pinakamataas na pinuno ng bansa
ay kinakailangang alam ng taumbayan ang lahat ng nangyayari sa pangulo maging ang kanyang kalusugan
upang makatulong ang mamamayan sa pagpapabuti ng kanyang kalagayan.
Itinuturing ng Obispo na para sa public good na isapubliko ang health conditions ng Pangulong Duterte.
“The matter of the President’s Health is a public concern, it’s not simply the concern of a private person,
it is a matter of the public good. The public good is involved here kase kung ang presidente natin ay hindi
na malusog, gagawa tayo ng paraan para matulungan siya.”pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, hinimok naman ng Obispo ang mga mananampalataya na patuloy na manalangin para sa kabutihan ng Pangulo at upang maghari ang kalooban ng Diyos sa kanyang buhay at sa bansa.
“Ating mai-ooffer na ipanalangin siya sa Panginoon na ang kalooban ng Panginoon para sa kanya at sa bayan
ay mangyari,” dagdag pa ng Obispo.
Matatandaang noong ipinagdiwang ang ika-119 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ay hindi nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Flag Racing Ceremony sa Luneta dahil hindi mabuti ang kanyang pakiramdam.
Matapos ito, anim na araw muling hindi nasilayan ang pangulo at kahapon lamang ito muling humarap sa publiko
sa gitna ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur.
Gayunman, tiniyak ng Pangulo na nasa mabuti itong kalagayan at kung mayroon mang masamang mangyari
sa kanya ay nariyan ang bise presidente upang humalili sa kanya.