579 total views
Kaakibat ng kalayaan ng isang bayan ay ang kalayaan ng mamamayan na makapagpahayag ng kanilang mga saloobin sa mga nagaganap sa lipunan.
Ito ang binigyang diin ni Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon kaugnay pagdiriwang ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, bahagi ng tunay na kalayaan ay ang pagkakaroon ng kakayahan ng bawat mamamayan na ibahagi ang kanilang mga nadarama at mga puna na dapat tutukan at bigyang prayoridad ng mga opisyal ng pamahalaan.
“Ipakita natin sa pagdiriwang nitong kalayaan natin bilang isang bayan na tayong mga Filipino ay tunay na ngang malaya kasi pinagkakalooban tayo ng kakayahan na sabihin, na ipahayag ang ating nadarama, nasa isip hindi para manira kundi para tulungan ang mga nasa pamahalaan, ang mga may kapangyarihan, ang mga mambabatas natin na makita din naman o madinig ang tinig ng sambayanan, ng taumbayan at yun sana ang isa sa malaking regalo na maipagkakaloob sa atin sa pagdiriwang nitong kalayaan natin bilang bayang Filipino.” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radio Veritas.
Partikular na tinukoy ng Obispo ang mga usapin ng red-tagging, insurgency at maging extra-judicial killings na nagdudulot ng takot at pangamba sa buhay ng mamamayan lalo na ng mga kritiko ng pamahalaan.
Paliwanag ni Bishop Baylon, hindi dapat na ituring na kalaban o kaaway ng pamahalaan ang mga nagpapahayag ng puna sa pamahalaan na nag-aalis ng kalayaan sa pagpapahayag ng bawat isa at nagdudulot ng takot sa pagsasabi ng katotohanan sa mga nagaganap sa lipunan.
“yung mga dinaraanan natin na mga pagsubok ngayon tungkol sa issues ng insurgency, ng red-tagging, ng extra judicial killings na lahat ito ay nagdadala ng agam-agam kung hindi man takot sa marami kaya nawawalan sila ng kalayaan na ipahayag ang kanilang sarili, natatakot na magsalita tungkol sa katotohanan kasi baka sila mapagkamalan o i-accuse ng kung anu-ano mga insurgence, mga rebelde o mga tao gustong manira ng pamahalaan na hindi naman necessarily na dahil nagsalita ka na kriniticize mo ang gobyerno mga ganun ay kaaway ka na agad ng ano [pamahalaan].” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Pagbabahagi ng Obispo, nananatiling isang hamon para sa bawat Filipino ang pagkamit ng tunay at ganap na kalayaan ng bayan sa kasalukuyang panahon. Giit ni Bishop Baylon, marami pa ring kawalan ng kalayaan ang nararanasan sa bayan tulad na lamang ng kawalan ng kalayaan mula sa paghihirap na higit pang pinalala ng malawakang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
“It is a freedom that continues to be a challenge to us kasi alam naman natin na marami pang kawalan ng kalayaan sa bayan natin, nananatili tayong alipin dito sa pandemyang ito unang una so kawalan ng kalayaan yun, maraming mga alipin sa paghihirap at sa poverty.” Ayon kay Bishop Baylon.
Tema ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong taon na “Kalayaan 2021: Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan”.