192 total views
Isinusulong sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika na kasabay ng pagpapatatag sa sistema ng edukasyon sa bansa ay ang pagkalinga sa kapakanan ng mga guro na nagsisilbing pangalawang magulang na walang sawang nagbabahagi ng mga kaalaman at humuhubog sa pagkatao ng mga kabataan na kinabukasan ng bansa.
Ang mala-inang pagkalinga mula sa kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon ang inaasam ng Teachers Dignity Coalition.
Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, bilang pinuno ng kagawaran ay umaasa ang mga guro sa buong bansa ng suporta, pag-unawa at pagkalinga mula kay DepEd Secretary Leonor Briones.
Sinabi ni Basas na dismayado ang mga guro sa kawalan ng malasakit at suporta ni Briones sa kanilang apelang umento sa sahod na unang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Bilang aming ina sa Kagawaran, inaasahan sana namin ang lubos na pagkalinga, pang-unawa at suporta mula kay Sec. Liling Briones. Subalit sa mga nakalipas niyang pahayag ay hindi kami makaramdam ng malasakit at suporta at tila siya pa ang nakakapigil upang maibigay ang matagal na naming hinihinging umento sa sahod na ipinangako rin naman ng pangulong Duterte.” pahayag ni Basas Nilinaw rin ni Basas na handang makipagdayalogo ang hanay ng mga guro sa pamunuan ng kagawaran at maging kay Pangulong Duterte upang maihayag ang kanilang mga hinaing, apela at pangangailangan.
“Nakahanda kaming maupo sa isang dayalogo sa kanya o sa Pangulo mismo upang ilinaw ang mga usaping ito. But we ask her to refrain from making statements that in one way or another would insult and hurt our teachers. As her subordinates, we expect a motherly compassion.” Dagdag pa ni Basas.
Nilinaw ni Basas na matagal ng mahaba ang “pisi” at nagtitiis ang mga guro.
Sa tala ng Philippine Basic Education, may halos isang milyon ang kabuuang bilang ng mga pampublikong guro na nagtuturo sa elementarya at sekondarya sa bansa.