209 total views
Kapanalig, kuntento na lamang ba tayo na nanood sa ating mga pinuno habang sila ay walang kahiya-hiyang pumupustura, nagsesermon, nagpho-photo ops, nanlalait, nagmumura, naninira, at nagpe-flex sa mga entablado ng ating mundo ng pulitika? Aba, kung okay lang sa atin yan, maghanda na tayo. Malapit na ang panahon na ganyan na ang kanilang gagawin halos araw-araw. Mag e-eleksyon na, kapanalig, sa susunod na taon.
Ito ngang nakaraang mga araw, ang tatapang na ng ilang mga pulitiko. Nagkaka-gulo sa kanilang mga partido at sila mismo ang nagbabangayan. Mula lokal hanggang nasyonal na mga pulitiko, unti unti na ulit umiingay – pumuposisyon siguro ang iba, naniniguro na kasama sa tiket at mas maraming kaalyado.
Kapanalig, kahit ano pa man ang ingay ng ating mga pulitiko, kahit gaano pa man kataas ang posisyong kanilang naabot, huwag sana nating kalimutan na nasa ating mga kamay ang tunay na kapangyarihan. Minsan, mahirap makita ang katotohanang ito, lalo na kung sasabuyan ng takot ang lipunan, at kalaunan, ang siyang nagsaboy ng takot ay siya ring magpiprisinta bilang bayaning sasagip sa atin. Nakita na siguro natin iyan, hindi ba, sa resulta ng mga nakaarang eleksyon? Asan na ang mga nagprisintang bayani noon? Natupad ba nila ang kanilang mga pangako?
Kapanalig, base sa datos ng COMELEC, umabot ng mahigit kumulang na 61.84 million ang botante sa ating bansa noong 2019. Sa bilang na ito, mahigit 46.9 million ang lumabas para bumoto sa buong bansa. Mahigit 14 million ang hindi nakaboto, na maari sanang nakapagbago ng resulta ng huling eleksyon.
May ilang mga rason kung bakit hindi bumoboto ang maraming Filipino. Sabi ng iba, hindi rin naman nagbabago ang buhay ng mga Filipino kahit bumoto, mahirap pa rin naman tayo. Kapanalig, siguro dama naman natin na mas mahirap na tayo ngayon. At lulusot pa tayo sa butas ng karayom para lamang makawala sa kahirapang ito. Sa tingin mo ba, kung mas marami ang bumoto ng wasto, maghihirap tayo ng gaya ngayon? Hindi man lang natin naisip na sa ating hindi pagboto o dahil sa maling pagboto, mas maari palang lumala pa ang sitwasyon ng bayan.
Huwag sana nating hayaang malugmok ang bansa, natin, kapanalig. Ang ating mga pinuno, mula barangay hanggang nasyonal na lebel, ay nakuha ang kanilang pwesto dahil sa ating boto. At kung palpak ang ating nahalal nitong nakaraang eleksyon, may pagkakataon ulit tayo na mamili ng iba; hindi natin kailangan makuntento sa substandard na serbisyo. We deserve good leaders, kapanalig, kaya we should choose good leaders. Sabi nga sa Gaudium et Spes, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: All citizens ought to be aware of their right and duty to promote the common good by casting their votes.
Sumainyo ang Katotohanan.