13,170 total views
Muling iginiit ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Office on Stewardship na mahalagang pangalagaan ang pamilya at pagtibayin ang pagsasama ng mga mag-asawa sa halip na sisirain.
Ayon kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng tanggapan sa kabila ng mga pagtuligsa ng mga sang-ayon sa diborsyo ay dapat na manindigan ang mga tunay na kristiyano sa itinuturo ng Diyos hinggil sa pag-aasawa.
Iginiit ng obispo na hindi payak na kasunduan ang pag-iisang dibdib sapagkat ito ay pakikipagtipan ng mag-asawa sa Diyos.
“Ang pagsasama ng lalaki at babae sa kasal ay hindi lang isang kontrata. Para sa ating mga katoliko, ito ay isang sakramento. Ang pagsasamang ito ay nagpapahiwatig ng malalim na katotohanan at nagbibigay ng grasya sa mag-asawa at sa kanilang pamilya. Kaya dapat pangalagaan ang pag-aasawa at ang pagpapamilya,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo. Binigyang diin ni Bishop Pabillo ang mga pag-aaral kung saan mas mataas ang bilang ng mga naghihiwalay at broken families sa mga bansang umiiral ang diborsyo kaakibat nito ang labis na pagdurusa ng mga kabataang apektado ng paghihiwalay ng mga magulang.
Batay sa datos na ibinahagi ni Alliance for the Family Foundation Philippines Inc. (ALFI) Vice President Atty. Jesus Joel Mari Arzaga, sa Amerika kung saan umiiral ang diborsyo ay naitala ang 50 porsyentong paghihiwalay ng mga mag-asawa sa first marriage; 60 porsyento sa second marriage; at 70 porsyento sa third marriages.
Sinabi ni Bishop Pabillo na batay sa nasabing datos ipinakikita na hindi kalooban ng Diyos ang diborsyo kaya’t marapat lamang na hindi ito mapapahintulutang iiral sa bansang itinuturing ang pamilya bilang munting pamayanan at simbahan.
Una nang nanindigan ang simbahan at mga grupong kontra diborsyo na hindi paghihiwalay ang solusyon sa domestic abuse kundi pagpapairal sa mga batas na tumutugon sa mga pang-aabuso sa asawa, kababaihan at kabataan upang maparusahan ang mga nagkakasala.
Tiniyak din ng ALFI ang pakikiisa sa pamahalaan sa mga programang makatutugon sa suliranin sa pamilya na naging basehan sa pagsusulong ng diborsyo lalo na ang pagbibigay edukasyon sa mamamayan ukol sa kahandaang makipag-isang dibdib at pagbuo ng pamilya.