338 total views
Kapanalig, isa sa mga nakakamiss sa ating pulitika nitong mga nakaraang taon ay ang presensya ng pinunong tunay na kasama ng mga Filipino. Lalo ngayon, pahirap ng pahirap ang buhay ng lahat. Ang piso natin, lumiliit na ang halaga, habang ang mga bilihin, pataas naman ng pataas ang halaga. Kaya nga’t nakaka-excite sana para sa marami ang mga katagang “unity.” Sino ba naman ang tatanggi sa pagkakataon na magkaisa tayo habang ang lider natin ay tunay na nakiki-isa sa atin?
Kaya nga lamang, sunod-sunod ang mga isyu ngayon sa ating bansa na sa halip na mag-isa sa atin, ay nagwawatak-watak sa atin. Maliban sa kahirapan, nandyan pa rin ang isyu ng kakulangan sa access sa mga batayang serbisyo, gaya ng para sa kalusugan. May COVID pa rin sa ating paligid, pero liban dito, may mga iba pa ring mga nakamamatay na sakit na kay hirap bigyang lunas sa ating bansa. Isang halimbawa ay ang tuberculosis. Ayon sa isang pagsusuri, tinatayang may isang milyong Filipino ang may TB pero marami sa kanila, di nila alam na meron sila nito. Mga 60 Filipino ang namamatay sa sakit na ito kada araw. Huwag na nating idagdag pa ang mga sakit gaya ng dengue o di kaya diabetes. Sa usaping access to health, ang mga maralita ay laging lugi. Kadalasan, marami sa kanila, lalo na silang mga nasa malalayong lugar sa bansa, ay di maramdaman ang pangkalusugang pagkalinga ng pamahalaan.
Isa pang isyu nagpapakita na sa halip na hindi inklusibo ang service delivery sa ating bayan ay ang kakulangan ng budget para sa special education. Isipin mo kapanalig, umaabot ng 5.1 million na batang Filipino ay may disabilities o kapansanan, pero walang nakalaan na budget para sa kanila ngayong darating na 2023. Kulang na kulang na nga mga SPED o special education centers at teachers, pero mas inuuna ng kasalukuyang DepEd leadership ang confidential funds. Marginalized na nga ang mga children with disabilities dahil sa kapansanan at kahirapan ng marami sa kanila, lalo pang namarginalized dahil sa kakulangan ng access para sa dekalidad na edukasyon.
Isa pang isyu kapanalig, ay ang imprastraktura ng bayan, lalo na ang mga kaugnay ng public transport. Kung susuriin, ang ating transport system ay pro-vehicles, at hindi pro-commuters. Padami ng padami at pa-lawak ng pa-lawak ang ating mga lansangan, pero pasikip ng pasikip ang mga jeep, bus, tren, pati na ang mga terminal at istasyon. At para ma-access mo ang sasakyang ito, para kang araw-araw nagpe-penitensya sa taas ng mga overpass at access sa tren, at sa haba ng pila para lamang maka-sakay.
Kapanalig, hindi ganito ang itsura ng pagkakaisa. Ang pinagdadaanan ng maraming maralitang Filipino ngayon ay parang naisahan, hindi pakikiisa. Ang araw-araw nilang kalbaryo ay nagtatanggal na ng kanilang dangal at dignidad hindi lamang bilang kapwa Filipino, kundi bilang tao. Kung tunay na pagkakaisa ang hangad natin, bakit hindi natin gawing mas inklusibo ang ating lipunan upang tunay na mayakap ang mga maralita, hindi lamang sa salita kundi pati sa polisiya at gawa?
Kapanalig, mapukaw sana ng mga kataga ni Pope Francis mula sa Evangelii Gaudium ang ating mga pinuno ngayon: Demands involving the distribution of wealth, concern for the poor and human rights cannot be suppressed under the guise of creating a consensus on paper or a transient peace for a contented minority. The dignity of the human person and the common good rank higher than the comfort of those who refuse to renounce their privileges. When these values are threatened, a prophetic voice must be raised.
Sumainyo ang Katotohanan.