236 total views
Tunay na pagkakaisa at pagkakapatiran ng bawat mamamayan.
Ito ayon kay Bangued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Youth ang ipinamalas ng bawat kabataan mula sa iba’t ibang bansa na nakilahok sa World Youth Day sa Krakow Poland na dapat pamarisan at gawing huwaran ng bawat isa.
Paliwanag ng Obipo, dapat na gamiting huwaran ng mga Filipinong kabataang nakadalo sa pagtitipon ang lahat ng kanilang nasaksihan at naranasan na malaki ang maiaambag sa pagbabagong hinahangad ng mga mamamayan para sa bayan.
“Ang pinakamalaking witness ng World Youth Day ay ang brotherhood fraternity ng mga kabataan nanggaling sa bawat lupalop sa mundo nagkakaisa at ito ang bigkis nila para ipakita na huwag silang matakot at ang pagmamahal ng Panginoong Hesus ang manaig sa lahat, so malaking pwersa ang ipinadama ng mga kabataan ng buong mundo…” pahayag ni Bishop Leopoldo Jaucian sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nga nito, tinatayang aabot sa 1.5-milyong delagado mula sa iba’t ibang bansa ang nakibahagi sa naganap na World Youth Day sa Krakow, Poland kung saan naitala naman sa Pilipinas noong 1995 World Youth Day Closing Mass ang World Record na Largest Number of People Gathered for a Single Religious Event na umabot sa 5-million indibidwal.
Samantala, inaasahan naman isasagawa ang susunod na World Youth Day sa Panama sa taong 2019 na may tinatayang aabot sa 2.7-milyong Katoliko mula sa higit 3-milyong bilang ng populasyon sa naturang bansa.