287 total views
Mga Kapanalig, sa tuwing may kalamidad, marami sa atin ang nananatili sa loob ng ating mga bahay upang maging ligtas mula sa anumang panganib. Ngunit may ilan namang may tapang at lakas ng loob na lumabas upang magsilbi at tumulong sa kanilang kapwa.
Kabilang dito sina Narciso Calayag Jr., Jerson Resurreccion, Marby Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin. Sila ay mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (o PDRRMO) ng Bulacan. Noong nakaraang linggo, nagbuwis sila ng buhay habang nagsasagawa ng rescue operations sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Karding sa bayan ng San Miguel.
Naghahandang gumamit ng bangka ang limang rescuers matapos tumirik ang sinasakyan nilang trak papunta sana sa Obando evacuation site upang magdala ng tulong sa mga naapektuhang pamilya, nang biglang rumagasa ang bahang nagpaguho ng isang pader. Ito ang naging dahilan ng pagdaloy ng malakas na tubig-bahang umanod sa kanila. Magbibigay daw ng tulong ng provincial government ng Bulacan sa mga naulilang pamilya. Pinarangalan at binigyang-pugay ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang limang bayaning rescuers. Naghain din ang ilang senador ng resolusyong magpaparangal sa kabayanihang ipinamalas ng mga rescuers.
Sa kabila ng tulong, parangal, at papuri, sinasalamin ng insidenteng ito ang kalagayan ng mga katulad nilang unang rumeresponde sa tuwing may sakuna. Bagamat kinikilala nating naging mas mahusay na ang disaster risk reduction and management ng pamahalaan, marami pa ring mga probinsya at lokal na pamahalaan sa bansa ang kulang sa mga pangunahing kagamitan katulad ng mga modernong bangka, life vests, head gears, at iba pang mga kailangan tuwing may kalamidad. Nariyan din ang isyung kahit beterano na at matagal nang nagtatrabaho bilang mga rescuers, nananatili silang mga casual o job order employees. Ibig sabihin, mababa pa rin ang kanilang sweldo at halos walang benepisyong natatanggap kahit mahigit sampung taon na sa serbisyo.
Sa ulat ng 2021 World Risk Index, pangwalo ang Pilipinas sa mga bansang pinakalantad sa mga sakuna. Dahil sa lokasyon ng ating bansa at sa climate change, mas madalas at matindi ang epekto ng mga darating na kalamidad sa ating bansa. Upang maiwasan ang mga trahedyang ito, mahalaga ang mga estratehiyang magpapalakas ng mga sistemang tutugon sa epekto ng mga sakuna. Kailangang palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaang umaksyon sa panganib na dala ng sakuna at nang maiwasan ang matinding epekto nito, bawasan ang mga pinsala, padaliin ang response and recovery, at higit sa lahat, iwasan ang pagkawala ng buhay. Marami pang kailangan gawin at pagtulung-tulungan ang mga sangay ng pamahalaan upang gawing mas matatag ang ating bansa sa harap ng mga kalamidad.
Itinuturing na first line of defense, ‘ika nga, laban sa mga sakuna ang mga lokal na pamahalaan at mga komunidad. Ang mga katulad ng limang rescuers sa Bulacan ang unang tumutugon sa mga problema sa loob ng kanilang nasasakupan. Gaya nga ng mensahe ni Pope Francis sa Fratelli Tutti, kailangan natin ng komunidad na sumusuporta at tumutulong sa atin, kung saan sama-sama tayong magtutulungang umusad. Maliban sa pagpaparangal sa mga nasawing rescuers, mas nararapat ang pagbibigay sa mga katulad nila ng sapat at makataong sahod, mga benepisyo, at hazard pay na makatutulong sa kanilang mamuhay nang may dignidad.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang kapayapaan ng kaluluwa ng limang rescue personnel na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Mananatili ang limang rescuers sa pag-ibig ng Diyos sa pagtupad nila sa utos Niyang mahalin ang kapwa gaya ng pagmamahal Niya sa atin. Gaya ng paalala sa Juan 15:13, “wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang [kapwa].”