610 total views
Mga Kapanalig, ipagdiriwang natin ang National Teachers’ Day sa ika-5 ng Oktubre. Bilang pagpupugay sa ating mga guro, muling magsasagawa ang Malacañang ng “Konsyerto sa Palasyo” sa darating na Linggo. Sa konsyertong pinamagatang “Para sa Mahal Nating mga Guro,” pauunlakan ng Malacañang ang daan-daang Filipino teachers bilang pagkilala sa kanilang sipag at dedikasyon sa pagtuturo sa mga estudyante saan mang sulok ng mundo.1 Ayon sa Presidential Communications Office (o PCO), ang konsyerto ay “[i]sang gabing puno ng musika mula sa ating mga talentadong magtatanghal” na handog sa ating mga minamahal na guro.
Kinikilala bilang isang noble profession ang pagtuturo kaya dapat lang na bigyang-pugay ang mga gurong lubos na nagsasakripisyo para sa edukasyon ng mga mag-aaral. At higit pa sa pagsasagawa ng magagarbong pagpaparangal katulad ng “Konsyerto sa Palasyo”, nakikita rin dapat ang pagpapahalaga sa mga guro sa mga hakbang at patakarang ipinapatupad ng gobyerno. Ngunit batay sa mga balitang nauugnay sa sektor ng edukasyon nitong nakaraang buwan—na nagkataon ay National Teachers’ Month—tila hanggang salita lang ang mga papuri ng gobyerno sa “mahal nating mga guro.”
Sa gitna ng mga pagdinig sa panukalang national budget para sa 2024, nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (o ACT Teachers) ng mas mataas na badyet para sa sektor ng edukasyon. Ito raw ay upang matugunan ang kakulangan sa mga teaching and non-teaching personnel, silid-aralan, pasilidad, at learning at teaching resources.2 Nakatakdang tumanggap ang Department of Education (o DepED) ng 758.6 bilyong piso na katumbas ng 13.2% ng panukalang national budget. Pangalawa lamang ito sa Department of Public Works and Highways (o DPWH) na may 14.3% na alokasyon ng badyet, sa kabila ng mandato ng Konstitusyon na ang sektor ng edukasyon ang dapat makatanggap ng pinakamataas na prayoridad sa pambansang badyet.
Panawagan din ng ACT Teachers ang mas mataas na sahod para sa mga public school teachers lalo na’t 92% sa kanila ang nakatatanggap ng “unlivable salary.”3 Anila, sa kabila ng pagiging overworked, napipilitan silang kumuha ng mga side jobs upang matugunan ang mga pangangailangan nila. Dagdag pa ng ACT Teachers, kailangan ding magtayo ng halos 175,000 na mga silid-aralan at kumuha ng 145,000 na mga guro upang matugunan ang mga kakulangan at makatulong sa pag-aaral ng mga estudyante. Sa kabila ng mga problema sa sektor ng edukasyon, nakatakdang tumanggap ng 150 milyong pisong confidential funds ang DepED. Kaya naman, nanawagan ang ACT Teachers na ilipat ang pondong ito sa pagtugon sa mga kakulangan sa mga silid-aralan at sa pag-hire ng teaching at non-teaching personnel.
Sa isang joint message kasama ang iba’t ibang religious leaders sa World Teachers’ Day noong 2021, nanawagan si Pope Francis sa mga pinuno ng gobyerno: “hold the teaching profession in high esteem.” At magagawa raw ito sa pamamagitan ng pagtiyak ng kanilang makataong sahod at mas mabuting mga kondisyon sa pagtatrabaho.4 Sa pagdaos ng Malacañang sa “Konsyerto sa Palasyo”, huwag sanang kalimutan ng ating gobyerno ang tunay na pagpupugay sa ating mga guro. At nagsisimula ito sa tunay na pagpapahalaga sa kanilang propesyon, pagdinig sa kanilang mga panawagan, at pagrespeto sa kanila bilang mga indibidwal.
Mga Kapanalig, sa darating sa National Teachers’ Day, alalahanin natin ang wika sa 1 Juan 3:18: “huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.” Ipakita natin ang pasasalamat at pagpapahalaga sa mahal nating mga guro sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang mga panawagan at pagpapaalala sa gobyerno ng mandato nitong bigyang-prayoridad ang sektor ng edukasyon.
Sumainyo ang katotohanan.