1,278 total views
Mga Kapanalig, hindi sa isang pormal na pahayag kundi sa isang post sa Facebook inialok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang kanyang “hand of reconciliation” sa mga taong iba daw ang pulitikal na pananaw at paniniwala kaysa sa kanya. Ginawa niya ito kasabay ng paggunita sa ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution noong ika-25 ng Pebrero. Ito marahil ang kanyang pamamaraan ng pag-abot sa mga umalala sa araw na pinatalsik ng mga Pilipino ang pamilya ng pangulo matapos ang ilang dekadang pagkapit sa kapangyarihan. Katawa-tawa naman siguro kung aasahan nating siyang dumalo sa anumang pagtitipong ginugunita ang pagbabalik ng demokrasya sa ating bayan.
Hangad daw ni Pangulong BBM na sama-sama na tayong bumuo ng mas mabuting lipunan, isang lipunang magtataguyod ng kaunlaran, kapayapaan, at mas mabuting pamumuhay para sa lahat ng Pilipino. Katulad ng paulit-ulit na sinasabi ng kanyang pamilya at masusugid na tagasuporta, panahon na raw upang mag-move on mula sa yugto ng ating kasaysayang naghati-hati raw sa ating mga Pilipino. Kaisa raw ang pangulo ng sambayanan sa pag-alala sa panahong humarap sa matinding pagsubok ang ating bansa, na siya naman daw nagpatatag at nagpalakas sa ating bayan. Gaya ng inaasahan, may mga hindi nakumbinsi sa mga salitang ito ng pangulo.
Malamán at mabigat na salita ang reconciliation o pakikipagkasundo.
Sa ating pananampalatayang Katoliko, nakaugnay ang pakikipagkasundo sa pagkilala sa katotohanan o truth. Sa apostolic exhortation ni Pope John Paul II na pinamagatang Reconciliatio et Paenitentia (o Reconciliation and Penance), binibigyang-diing isinusulong ng Simbahan ang pakikipagkasundong nakasandig sa katotohanan. Naniniwala tayong imposible ang pakikipagkasundo at pakikiisa kung salungat ito sa katotohanan.
At ano ang katotohanang ito para sa ating mga Katoliko? Ito ay tumutukoy kay Hesus na Siyang bukal ng katotohanan. Ang pananatili kay Hesus, wika nga ni Pope Francis, ay nagdadala ng biyayang umaagos mula sa nakapakong Panginoon, ng kapayapaang sumisinag mula sa Kanyang puso, ng isang grasyang dapat nating hinihingi sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagtanggap at lagi-laging pagkiling sa katotohanang ito ay nagpapanibago sa ating buhay, ginagabayan tayo papalayo sa kasalanan at patungo sa kabutihan.
Ang kasaysayan ng ating bayan ay punô ng pasakit, karahasan, at kadilimang bunga ng mga kasalanang ipinunla at hinayaang lumamon sa ating mga institusyon. Ganito ang nangyari sa atin noong panahon ng batas militar, kung kailan kinasangkapan ng mga taong ganid sa kapangyarihan ang ating mga institusyon. Tinapakan ang ating mga kalayaan. Niyurakan ang ating mga karapatan. Ikinubli sa atin ang tunay na nangyayari sa lipunan. Libu-libong buhay ng mga tumindig ang nawala. Libu-libong pamilya ang naulila at hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyang-katarungan. Bahagi ang mga ito ng katotohanang pilit na binubura ngayon.
Nakalulungkot na marami sa atin ang nakalimot na sa yugtong ito ng ating kasaysayan. Sa pagsasantabi natin sa katotohanan ng ating nakaraan at pangmamaliit sa hirap na pinagdaanan ng mga Pilipinong lumaban sa diktadura, masasabi ba nating nagtutungo tayo sa kabutihan? O baka naman, sa ating pakikilahok sa pagbubura ng kasaysayan, hindi natin namamalayang nananatili tayo sa kasalanan? Kung ganito ang nangyayari, paano tayo magkakaroon ng tunay na pakikipagkasundo?
Mga Kapanalig, ipinapaalala sa atin sa Mga Kawikaan 28:13 na “ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti, ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.” Ang paghahanap ng pakikipagkasundo ay nagsisimula sa dalisay na kagustuhang ituwid ang mga pagkakamali. At upang mangyari ito, kailangang kilalanin muna ang mga pagkakamaling nagawa at ang mga nasaktan. Ang pakikipagkasundo ay nangangailangan ng pagpapakumbaba—hindi ng mga salitang walang laman, hindi ng panunumbat, hindi ng pangungutya. Sa sama-samang pagtatanggol sa katotohanan, magiging madali ang pagtanggap sa mga kamay na naghahangad ng pakikipagkasundo.
Sumainyo ang katotohanan.