384 total views
Umaasa ang Obispo ng Diyosesis ng San Carlos na mabigyang pansin ang sektor ng mga manggagawa sa agrikultura sa bansa.
Ginawa ni Bishop Gerardo Alminaza ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa kapistahan ni San Isidro Labrador na patron ng mga magsasaka.
Ipinagdarasal ng Obispo na mai-angat ang kabuhayan ng mga magsasaka at mabigyang prayoridad ang kanilang sektor na tumutugon sa pagkain ng sambayanang Filipino.
“I hope si San Isidro Labrador will intercede for our country especially sa kapwa niya manggagawa sa lupa na sana naman magbago na yung sistema na sila yung responsible nagbibigay ng pagkain sa ating mga lamesa, mabahaginan naman ng biyaya na makaahon din sila sa kahirapan,” pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na si San Isidro ay nagsilbing halimbawa ng mga magsasaka na matiyagang nililinang ang lupang ipinagkaloob ng Panginoon.
Iginiit ni Bishop Alminaza na dapat ipagmalaki ng mga magsasaka ang kanilang marangal na trabaho na malaki ang ambag sa paglago ng lipunan at gawaing may dignidad.
“Model siya [San Isidro Labrador] ng manggagawa sa lupa ang ating mga magsasaka, most of our people sa Philippines talaga depends sa lupa and they can have really someone na mag-uphold sa dignity ng work,” ani ni Bishop Alminaza.
SAGAY 14 MASSACRE
Muling nanawagan si Bishop Alminaza sa mga kinauukulan ng masusing imbestigasyon upang makamit ng mga pinaslang na magsasaka ang tunay na katarungan.
Magugunitang noong Marso, labing-apat na magsasaka sa Negros Oriental ang nasawi sa isinagawang anti-criminality campaign ng Philippine National Police sa buong lalawigan.
Mariing kinundena ng iba’t ibang grupo kabilang na ng Simbahang Katolika ang marahas na pagpapatupad ng batas na ikinasawi ng mga magsasaka na inaakusahang miyembro ng makakaliwang grupo.
“Maybe this is the very good time again to bring it up again to call the attention sa mga nakaupo sa ating Department of Justice, Department of Agrarian Reform na sana mapursigi talaga ito [imbestigasyon].” saad pa ni Bishop Alminaza.
Nabatid na ililipat sa korte ng Metro Manila ang pagdinig sa kaso ng mga nasawing magsasaka para sa kaligtasan ng mga testigo.
PROGRAMA AT REPORMA SA MGA MAGSASAKA
Umaapela rin si Bishop Alminaza sa pamahalaan na paigtingin ang mga programa at batas para sa sektor ng pagsasaka.
Hinimok ng Obispo ang mga bagong halal na opisyal na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa upang umunlad ang sektor ng pagsasaka at matiyak ang food security.
Naitala noong 2015 na umaabot na lamang sa 29.1 milyong indibidwal ang nasa sektor ng agrikultura.
Sa isang mensahe naman ni Pope Francis sa pagtitipon ng mga magsasaka sa Italya, ipinaabot ng Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika ang pasasalamat sa sektor ng pagsasaka sa paglaan ng oras at panahon upang linangin ang lupang kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.